QUEZON CITY — Lumikas ang mga kawani at bisita ng Quezon City Hall of Justice nitong Biyernes ng umaga matapos makatanggap ng bomb threat, ayon sa mga awtoridad.
Sinabi ni retiradong Heneral Elmo San Diego, hepe ng Quezon City Department of Public Order and Safety, na nakatanggap ng text message ang personnel ng Branch 227 hinggil sa banta ng bomba.
Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, iniutos ni Executive Justice Rosanna Fe Maglaya ang paglikas ng lahat ng empleyado at indibidwal sa gusali habang nagsasagawa ng paneling ang K9 units ng Explosive and Ordnance Division sa loob ng Justice Hall.
Kinumpirma naman ng abogado na si Ferdinand Topacio, na nasa loob ng gusali nang mangyari ang insidente, na pinapalabas sila bilang pag-iingat.
Nanatili ang mga pulis sa loob ng gusali upang ipagpatuloy ang inspeksyon at paneling, dagdag ni San Diego. Santi Celario