MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga youth leader sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang disqualification case na isinampa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) laban sa Kabataan Party-list.
Noong Huwebes, nagpadala ng liham sa Comelec ang mga lider-kabataan na nilagdaan ng mga kinatawan mula sa 12 youth organization at 7 student institution.
Ayon sa pahayag ng mga lider-kabataan, hinimok nila ang Comelec na ipagtanggol at palakasin ang mga pormal na institusyon ng gobyerno at lipunan bilang garantiya ng progreso. Noong 2021, sinubukan ng NTF-Elcac na i-disqualify ang Kabataan Party-list sa alegasyong ito ay legal na front ng mga komunistang rebelde, ngunit mariing itinanggi ito ng party-list.
Hinimok din ng mga kabataan ang Comelec na kumilos nang may katuwiran at tulungan silang maibalik ang tiwala sa demokrasya sa halip na palalain ang pagbagsak nito sa pamamagitan ng pagprotekta sa tunay na representasyon ng kabataan.
Nanawagan din sila na ayusin ang “sirang sistema ng halalan,” na binanggit ang impunidad ng mga tiwaling opisyal, pekeng party-list, malalaking negosyo, at political dynasty bilang “tunay na banta sa ating demokrasya.”
Samantala, sa pahayag noong Miyerkules, ipinahayag ng NTF-Elcac ang suporta nito sa Comelec sa pagsasagawa ng hearing, na kanilang itinuring na “due process” at hindi isang “political theater.” (Jocelyn Tabangcura-Domenden)