MANILA, Philippines – Maglalaman ng bagong ebidensya at mga alegasyong hindi pa umano nasasagot ang panibagong impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa dalawang miyembro ng Kamara.
Sa magkahiwalay na panayam, sinabi nina Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na handa silang harapin ang hamon kaugnay ng pangangailangan ng bagong ebidensya, gaya ng binanggit ni House Committee on Justice chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro at ng National Unity Party.
“Yes, it is challenging. And I think… we’re up to the challenge,” ani Cendaña, na nag-endorso ng ikalawang impeachment complaint.
“So this is not a case of whether the allegations are new or old. Ito ay kaso ng hindi pa rin nasasagot ang mga alegasyong ito. And if Sarah Duterte is good at something, it is running away from accountability,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, “We’re looking forward to the start of the impeachment proceeding, yung hearing ng Justice Committee at tingin namin dapat dito, walang problema both sa issue ng sufficiency in form and substance.”
Ayon kay Tinio, kabilang sa mga bagong ebidensyang ilalahad ang bank records ni Duterte at ang affidavit ni Ramil Madriaga, na nagsabing siya ay dating aide ng bise presidente.
“Yes, may mga bago. Kahit yung complaint natin, in-include natin yung affidavit ni Madriaga. So, and in particular, may mga bahagi doon na nakaugnay sa paggamit ng P125 million in 11 days noong December 2022. So yes, may bago diyan na lalabas,” ani Tinio.
“‘Yung unexplained wealth na makikita natin ‘yan pag nasa panahon na tayo ng presentation ng evidence pagdating sa usapin ng kanyang SALN at hopefully, mabuksan yung kanilang bank accounts,” dagdag ni Cendaña.
Bagama’t protektado ng Bank Secrecy Law ang confidentiality ng bank deposits, sinabi ni House Committee on Justice Vice Chairperson at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na may exception ito sa kaso ng impeachment.
“I know that that’s one of the exceptions on the Bank Secrecy Law, yung AMLC din, na pwede ma-explore yon kung may impeachment cases,” ani Flores sa panayam noong Pebrero 25.
Nakipagpulong na o nakatakdang makipagpulong ang mga endorser sa mga complainant bilang paghahanda sa pagdinig ng House Committee on Justice sa Marso 2. May plano rin umano ang mga endorser ng apat na impeachment complaint laban sa bise presidente na magsama-sama para sa presentasyon ng ebidensya.
“Well, there are a few conversations in terms of coming together,” ani Cendaña. RNT/MND