Home NATIONWIDE Tugon sa panawagan ni PBBM: Free pass sa C5-Cavitex link, asinta ng...

Tugon sa panawagan ni PBBM: Free pass sa C5-Cavitex link, asinta ng PEATC-PRA

187
0
BAGONG C5-CAVITEX LINK. Ipinapaliwanag ni Public Estates Authority Tollway Corporation (PEATC) Chairman Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo (gitna) ang kahalagahan ng bagong Segment 3B ng Manila-Cavitex Expressway (CAVITEX) na mag-uugnay sa C5 Expressway. Sisikapin ng PEATC/PRA na pansamantalang gawing libre sa publiko ang paggamit nito. Nasa larawann din sina PEATC President/CEO Delfin Torrecampo at Philippine Reclamation Authority (PRA Assistant General Manager for Land Development Atty. Joselito Gonzales.

MANILA, Philippines – Ipanunukala ng Public Estates Authority Tollway Corporation (PEATC) na pansamantalang gawing libre ang pagdaan sa bagong Segment 3B ng Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) kasunod ng napipinto nitong pagbubukas sa mga darating na araw.

Sa press conference kamakailan sa Quezon City, sinabi ni PEATC Chairman Engr. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo na gagawin nila ang panukala sa Toll Regulatory Board (TRB) at sa Cavite Infrastructure Corporation (CIC), ang ‘private sector’ partner ng PEATC na nagpapatakbo sa CAVITEX.

Ang PEATC ay ‘direct subsidiary’ ng Philippine Reclamation Authority (PRA), kung saan nakaupo rin bilang ‘Board Director’ si Crisologo, habang bahagi naman ang CIC ng mas malaking Metro Pacific Investment Corporation (MPIC) ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan.

Inaasahan na ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina, bilihin at serbisyo bunga ng pagsiklab ng digmaan sa Gitnang Silangan sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran.

“Ang libreng pagdaan sa Segment 3B kahit pansamantala lang ay isa sa mga ambag ng PEATC at PRA para makatulong na maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan.

“Ang panukala natin na temporary free pass sa Segment 3B ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na lahat tayo ay magtulungan sa panahon ng krisis,” dagdag pa ni Crisologo.

Aniya pa, suportado ng PRA Board sa pangunguna ni Chairman Atty. Alex Lopez at General Manager/CEO Cesar Siador ang nasabing panukala.

Ang Segment 3B ng CAVITEX ay isang three-lane, 2-kilometrong expressway na magkokonekta sa tollway nito mula Sucat, Parañaque hanggang sa C5 Road Link sa Taguig.

Batay sa pag-aaral, kaya nitong magdagdag ng hanggang 22,000 sasakyan kada araw bukod pa sa mahigit 200,000 sasakyan na dumaraan sa kabuuan ng CAVITEX.

Kinumpleto ng proyekto ang apat na expressway links ng CAVITEX na nagkokonekta rito sa Cavite-Laguna Expressway (CALAX), Southern Luzon Expressway (SLEX), C5, at iba pang pangunahing kalsada sa Southern Metro Manila.

Sa pagtaya, sinabi pa ni Crisologo na aabot na lang sa limang minuto ang biyahe sa pagbubukas ng Segment 3B at malaking tulong din ito upang maibsan ang daloy ng trapiko sa iba pang lugar sa Greater Manila Area.

Ayon pa sa PEATC, higit “96 percent” nang kumpleto ang proyekto at inihahanda na sa inagurasyon na pangungunahan ni Pang. Marcos Jr.

Pinag-aaralan na ng TRB ang magiging taripa ng Segment 3B na sisingilin sa publiko.

Ayon naman kay PRA Assistant General Manager for Land Development Atty. Joselito Gonzales, sisikapin nilang makumbinsi ang TRB at CIC na paboran ang panukala habang papalapit ang Semana Santa.

“Karamihan sa atin ay nasa bakasyon o umuuwi sa ating mga probinsiya tuwing Semana Santa at ang pagdaan nang libre sa Segment 3B sa panahong ito ay malaking tulong na rin sa ating mga kababayan,” ani Gonzales.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here