COTABATO, Philippines – Nagpatupad ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng energy conservation protocols, kabilang ang apat na araw na on-site work arrangement.
Sa memorandum circular, iniutos ni Abdulraof Macacua na sundin ng lahat ng empleyado ang bagong iskedyul habang isinasaalang-alang ang mga gawain sa Ramadan at patuloy na pagbibigay ng serbisyo ng gobyerno.
Para sa mga Muslim na opisyal at empleyado na nag-oobserba ng Ramadan, ang pasok sa opisina ay Lunes hanggang Huwebes mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. na walang noon break. Ang mga hindi nag-aayuno naman ay papasok mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. na may isang oras na break.
Magkakaroon din ng isang araw na work-from-home na itatakda ng mga pinuno ng opisina upang matiyak na may sapat na tauhan sa mga tanggapan.
Sinabi ni Macacua na pagkatapos ng Ramadan o Eid al-Fitr sa Marso 18, lilipat ang lahat ng opisina sa 40-hour compressed work week na ipapatupad sa loob ng apat na araw.
Ang mga empleyadong nasa opisina ay kailangang sumunod sa attendance monitoring policies, habang ang mga naka-work-from-home ay gagamit ng awtorisadong digital time-logging platforms.
Samantala, ang mga tanggapan na nagbibigay ng health, emergency, frontline, regulatory, at iba pang essential services ay kailangang tiyakin na may sapat na personnel na naka-duty upang tuloy-tuloy ang serbisyo sa Bangsamoro. RNT/MND