MANILA, Philippines – Nagbabala ang United Nations nitong Huwebes na maaaring tumaas ang presyo ng pagkain at gastos sa pamumuhay sa pagsasara ng Strait of Hormuz dahil sa hidwaan sa West Asia.
Ayon sa ulat ng UN Conference on Trade and Development (UNCTAD), naapektuhan ang pagbiyahe ng mga barko sa stratehikong daanan dahil sa mga pag-atake ng US at Israel sa Iran at retaliatory actions ng Tehran. Dito dumadaan ang halos isang-kapat ng pandaigdigang seaborne oil trade, pati na ang malaking volume ng liquefied natural gas at pataba.
“Ang pagtaas ng gastos sa enerhiya, pataba, at transportasyon—kabilang ang freight rates, presyo ng bunker fuel, at insurance premiums—ay maaaring magpataas ng presyo ng pagkain at magpalala ng cost-of-living pressures, lalo na sa mga pinaka-nangangailangan,” ayon sa ulat.
Binigyang-diin ng UNCTAD ang kahinaan ng mga pangunahing maritime chokepoints sa epekto ng geopolitical tensions at ang kanilang ripple effects sa global supply chains.
Ayon sa ahensya, nakadepende ang epekto sa ekonomiya sa haba at tindi ng hidwaan. Mula Pebrero 28, bumaba ng 97 porsiyento ang trapiko ng barko sa Strait, na nagbabanta sa suplay ng enerhiya, lalo na sa Asya.
Hinimok ng UNCTAD ang de-escalation at proteksyon sa maritime transport at mga pantalan upang mapanatiling ligtas ang kalakalan. RNT