MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang mga umano’y substandard na computer na nagkakahalaga ng P7.1 milyon sa isang warehouse sa Angeles City, Pampanga, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes.
Sa raid noong Martes ng CIDG Regional Field Unit 3, naaresto ang dalawang empleyado ng warehouse dahil sa pagbebenta at pagtatago ng mga computer na hindi sumunod sa minimum labeling requirements ng batas. Nasamsam ang 239 laptops, 163 CPU, 141 desktop monitor, at dalawang computer set para sa business service.
Ayon sa CIDG, hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga label ng nasabing computers, kaya itinuturing itong substandard at ipinagbabawal sa kalakalan. Patuloy pang hinahanap ng awtoridad ang lalaking may-ari ng establisyemento. Ang mga naaresto ay kakaharapin sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines. Mary Anne Sapico