Home NATIONWIDE Presyo ng bilihin, bantay-sarado ng PNP sa gitna ng oil price hike

Presyo ng bilihin, bantay-sarado ng PNP sa gitna ng oil price hike

221
0

MANILA, Philippines – Nangako ang Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na palalakasin ang presensya nito sa mga pamilihan at grocery upang maiwasan ang hindi awtorisadong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Inatasan ni PNP chief na si Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis sa buong bansa na tiyaking walang vendor o retailer ang mananamantala sa sitwasyon sa pamamagitan ng biglaang pagtataas ng presyo.

“We are coordinating with the DTI (Department of Trade and Industry) and the local government units on how the PNP could effectively assist on this aspect as part of our mandate to protect the interest of the people,” ayon kay Nartatez.

“Let us not take advantage of the current economic challenge to push for personal gains. Hindi ito makatao, hindi ito maka-Pilipino, at hindi natin papayagan ito (This is not pro-people, pro-Filipino, and we will not allow this),” dagdag pa niya.

Ang direktiba ni Nartatez ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking abot-kaya pa rin ng publiko ang mga pangunahing bilihin.

Nagbabala rin ang PNP ng posibleng kasong legal laban sa mga mahuhuling magsasamantala.

“Mahigpit ang ating panawagan sa mga retailers na huwag abusuhin ang sitwasyon at huwag basta-basta magtaas ng presyo. Hahabulin namin kayo kung hindi kayo susunod sa ating batas,” ani Nartatez.

Inatasan din ang mga lokal na pulis na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan para maglagay ng help desks kung saan maaaring agad mag-report ang publiko laban sa abusadong retailers.

Samantala, sinabi ng DTI na nangako ang mga manufacturer ng basic goods na panatilihin muna ang kasalukuyang presyo. Tiniyak din nitong makikipagtulungan sila sa mga industriya upang mapanatiling sapat ang supply at matatag ang presyo ng mga bilihin. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here