Home NATIONWIDE Gastos sa BARMM poll, sisirit sa 25%

Gastos sa BARMM poll, sisirit sa 25%

108
0

MANILA, Philippines – Maaaring tumaas ng hanggang 25% ang gastusin ng Commission on Elections (Comelec) para sa kauna-unahang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, malaki ang epekto nito sa logistics, lalo na’t dinadala sa pamamagitan ng barko ang mga vote-counting machines at baterya patungo sa mga lugar sa BARMM kung saan mas mataas ang gastos sa krudo.

“Mino-monitor pa natin kung mga magkano pa kaya ang itataas. Sa Agosto, dapat deployed lahat ng kagamitan na gagamitin sa Setyembre,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring umabot sa 20% hanggang 25% ang itataas ng gastusin sa supply at logistics, na posibleng magkulang sa kasalukuyang budget ng ahensya.

“Sa aking palagay, baka magkaroon ng increase kahit ng 20% man lang sa logistics at sa ating supply, baka mga 20% to 25% ang itataas. Pag ganyan, kulang pa ang budget ni Comelec,” dagdag niya.

Plano rin ng Comelec na simulan ang pag-imprenta ng mga balota mula Hunyo hanggang Hulyo bilang paghahanda sa halalan na itinakda sa Setyembre.

Samantala, inaprubahan na ng Senado at Kamara ang panukalang batas na maglilipat ng petsa ng halalan sa BARMM, habang ilang ulit na itong naantala dahil sa mga isyung legal at operasyonal, kabilang ang redistricting at desisyon ng Korte Suprema na hindi bahagi ng BARMM ang Sulu.

Pinalawig din ng Comelec ang deadline ng paghahain ng aplikasyon para sa rehistrasyon at akreditasyon ng mga regional political parties at sectoral organizations hanggang Abril 6, 2026, kasabay ng pag-obserba ng Eid al-Fitr at Semana Santa.

Sa gitna nito, inaasahang lalo pang tataas ang presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan tinatayang madaragdagan ng P16.50 hanggang P17.50 kada litro ang diesel at P7.50 hanggang P8.50 ang gasolina, bukod pa sa naunang pagtaas na ipinatupad ng Department of Energy ngayong Marso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here