MANILA, Philippines – Naghain si Senator Mark A. Villar ng Senate Bill No. 1796 para sa pagtatatag ng Philippine National Public Parks System, layong protektahan ang natural resources, pangalagaan ang cultural at historical sites, at palawakin ang access ng publiko sa green at recreational spaces sa buong bansa.
“Ang ating natural landscapes at green spaces ay mahalagang yaman na humuhubog sa ating pambansang pagkakakilanlan,” sabi ni Villar.
“Sa pamamagitan ng pambansang parks system, mapapangalagaan natin ang biodiversity, mapoprotektahan ang mga historical at cultural landmarks, at matitiyak na bawat Pilipino ay makakagamit at makakasiya sa mga parke nang responsable.”
Dagdag pa niya, hindi lang ito para sa environmental protection kundi para rin sa “healthier at more resilient communities.”
Ayon sa panukala, itatatag ang National at Local Public Parks Authority para sa pamamahala, at National Parks Institutes para sa research, education, at capacity-building. Kabilang din sa bill ang comprehensive planning para sa national parks, urban parks, open spaces, at recreational facilities, pati na ang identification ng potential park sites at acquisition ng land para sa park development.
Ipinapaloob din ng panukala ang tax exemptions para sa parke at operasyon nito, at hinihikayat ang partisipasyon ng publiko at multi-stakeholder cooperation para sa sustainable practices.
Binanggit ni Villar ang benepisyo ng parks at green spaces sa kalusugan at well-being: nagpo-promote ng physical activity, bumababa ang health risks mula sa sedentary lifestyle, at nakakatulong sa cognitive function, mood, at mental health.
“Nanawagan ako sa aking mga kasamahan sa Senado, sa House, at sa lahat ng stakeholders na bigyang-priyoridad ang Senate Bill 1796. Ang pamumuhunan sa national parks system ay pamumuhunan sa ating kalikasan, cultural legacy, at pangmatagalang kalusugan at kasiyahan ng mamamayan,” ani Villar. RNT/MND