Home METRO Lalaking nanipsip ng diesel sa nakaparadang trak, arestado sa Tacloban

Lalaking nanipsip ng diesel sa nakaparadang trak, arestado sa Tacloban

154
0

LEYTE, Philippines – Arestado ng pulisya ang isang lalaki na umano’y nagnakaw ng diesel mula sa nakaparadang truck sa Tacloban City.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa isang establisyimento sa Rizal Avenue, Barangay 37, kung saan tinatayang 70 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P8,050 ang na-siphon mula sa sasakyang pagmamay-ari ng Lucky Hardware and Fishing Supply Incorporated bandang madaling-araw ng Marso 24.

Naganap ang insidente bandang 3:47 a.m. ngunit natuklasan lamang ito bandang 10:20 a.m. nang subukang paandarin ng driver na kinilalang “Mark” ang truck at mapansing may problema sa makina. Nang tingnan niya ang tangke, wala nang laman at nakalas ang takip, kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa may-ari ng negosyo.

Sa CCTV footage, nakita ang isang lalaking suspek na lumapit sa nakaparadang sasakyan at gumamit ng hose mula sa kanyang backpack upang siphonin ang diesel. Inilipat niya ang nakuha sa isang lalagyan na binalot pa sa sako bago tumakas.

Nahanap at naaresto ng pulisya ang suspek na kinilalang “Ben,” residente rin ng nasabing barangay.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa Police Station 2 ng Tacloban City Police Office habang inihahanda ang kasong theft laban sa kanya.

Ayon sa mga awtoridad, ipinapakita ng insidente ang posibleng pagtaas ng krimen habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, kaya hinihikayat nila ang mga negosyo na higpitan ang seguridad ng kanilang mga sasakyan at imbakan ng gasolina. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here