Home OPINION 6 BUWANG GIYERA DAPAT PAGHANDAAN

6 BUWANG GIYERA DAPAT PAGHANDAAN

188
0

MAG-AAPAT na linggo na ang giyerang United States-Israel laban sa Iran simula noong Pebrero 28 na araw ng pagpatay ng US-Israel sa 40 pamunuan ng Iran, kasama si Iran Supreme Leader Ayatollah Khamenei.

Depende sa mga impormasyon ngayon, maaaring magtagal umano ang giyera sa loob ng anim na buwan o mahigit pa.

Kabilang sa mga palatandaan ng matagalang giyera ang paglalagay ng mga sundalong Amerikano mismo sa mga kalupaan sa Iran na nagsimula na.

May palatandaang target nila umanong sakupin ang Kharg island na roon matatagpuan ang 90% ng langis na Iran na iniluluwas sa ibang bansa at mayroon din sa tapat ng Oman na naroon ang Strait of Hormuz na isinara ng Iran laban sa mga barkong US, Israel at iba pang “umaaway” rito.

May lima na umanong Apache helicopter ang pinabagsak ng Iran habang naglilipad ng mga sundalong Kano sa loob ng Iran.

Libo-libong sundalong Kano pa ang ibinibiyahe sa Israel, Jordan at ilang base militar ng US mga bansang Saudi Arabia, Kuwait, Bahrain at United Arab Emirates para umano sa “ground invasion” ng Iran.

Dahil naman sa pagbomba ng Israel sa Busher nuclear plant na itinayo at inoopereyt ng Russia sa Iran, may pagkilos na rin ang Russia na gumanti at nagpaalam na umano ito sa US na bombahin nito ang Israel.

Sinimulan na ng US at Israel na sirain ang pinakamalaking liquified natural gas sa South Pars na sakop ng Iran at mga planta ng kuryente nito.

Ang pagpapalawig ng US ng limang araw sa ultimatum sa Iran na buksan ang Strait of Hormuz ay panakip lang sa malawakang paghahanda ng ground invasion sa Iran.

“Fight to the end” naman ang posisyon ng Iran at araw-araw nitong binobomba ang Israel sa iba’t ibang lugar.

Ito ang mga basehan ng pagtatagal ng digmaan.

PAGKILOS NG PINAS SA KRISIS NASAAN?

Hanggang sa tinitipa natin ang sulating ito, mga Bro, wala pang pangmatagalan at epektibong aksyon ang pamahalaan laban sa krisis sa suplay at presyo ng langis.

At ang krisis na ito ang ngayo’y nagtutulak sa buong bansa na magkandahirap-hirap, aminin man o hindi ng gobyerno.

Pero siyempre, pinakabiktima ang mahihirap na kinabibilangan ng mga obrero, magsasaka, mangingisda, vendor at maging ang nasa middle class na may sahod na P25,000 pataas buwan-buwan.

Ang pagsasara lang ng nasa 415 na gasolinahan sa kakapusan ng suplay ay malaking patalatandaan ng nagsimula nang pagkaparalisa ng kabuhayan ng mga nabubuhay sa pag-andar ng makina.

At ang lomolobong presyo ay nakakasakit at ikinababagsak na ng mga nasa transportasyon kahit may ayuda sa kanila.

Kasama sa mga bumabagsak na rin ang mga pribadong empleyadong may sasakyan na gamit nila sa paghahanapbuhay ngunit hindi sakop ng mga ayuda.

Ang suplay ng mga produktong petrolyo? Hanggang unang linggo ng Mayo na lang at alanganin pa kung totoong magtatagal ang mga ito sa 45 araw, gaya ng sinasabi ng Palasyo.

Ano-ano nga ba ang dapat gawin ng pamahalaan sa loob ng 6-buwang giyera na malaking sumpa sa sambayanang Pinoy?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here