Home OPINION DELICADEZA NI GEN. TAMAYAO DAPAT TULARAN NG MGA MAMBABATAS

DELICADEZA NI GEN. TAMAYAO DAPAT TULARAN NG MGA MAMBABATAS

123
0

NAGBITIW sa puwesto ang hepe ng Philippine National Police -Highway Patrol Group sa gitna ng mabigat na paratang na panggagahasa na isinampa sa National Police Commission. Kaagad na nilinaw ni PBGen. Jessie Tamayao na ang kanyang pagbibitiw ay hindi pag-amin ng kasalanan, kundi pagbibigay-daan sa isang patas at malayang imbestigasyon.

Sa halip na mainis kay Tamayao, marami ang nakaisip na isang huwarang opisyal ito ng pulisya. Bakit? Umaalingawngaw ang mahalagang prinsipyo sa kanyang katauhan – ang delicadeza.

Madali ang humusga. Mabigat ang paratang, at likas sa publiko ang maghanap ng agarang sagot. Ngunit sa larangan ng batas at serbisyo publiko, hindi dapat manaig ang emosyon sa halip ang dapat mangibabaw ay ang proseso.

Ang ginawang pagbibitiw sa pwesto ni Tamayao ay isang hakbang na nagpapakita ng paggalang sa institusyon at sa imbestigasyon bukod pa ito sa pagkilala na ang posisyon ay hindi dapat maging panangga o impluwensiya sa katotohanan.

O, di ba kahanga-hanga ang kanyang ginawa? Pinairal niya ang delicadeza. Kusa siyang umiwas upang hindi mabahiran ang integridad ng PNP. Totoong ang kanyang pagbibitiw ay hindi bilang pag-amin, kundi bilang pag-ako ng responsibilidad sa mas mataas na pamantayan ng asal sa serbisyo publiko.

Sana, ang ginawa ni Tamayao ay ginawa ng mga inakusahan sa flood control projects at corruption upang ipakita na sila ay may delicadeza. Subalit hindi ito ginawa ng mga opisyal ng pamahalaan lalo na ang mga congtractor. Sa halip, binalewala nila ang imbestigasyon at alegasyon laban sa kanila at nanindigan na wala silang alam o kaya naman ay gumamit pa ng ibang paraan upang manatili sa pwesto.

Naniniwala ang inyong PAKUROT, na walang kasalanan si Tamayao dahil kung ito ay “guilty” tiyak na hindi ito papayag na magbigay daan sa malayang imbestigasyon upang hindi mabahiran ng anino ng kapangyarihan.

Marami ang naniniwala na walang sala itong si Tamayao. Gayunpaman, dapat lumabas ang katotohanan. Dapat lumabas ang layunin ng imbestigasyon kung saan kailangang mabigyang hustisya ang nagrereklamo o kaya naman ay malinis ang pangalan ng inaakusahan.

Nakatutuwang hindi lang nasusukat sa kakayahan ng PNP na magpatupad ng batas, kundi sa kakayahan nitong panatilihin ang tiwala ng publiko. Sa panahong ang kredibilidad ang nakataya, ang delicadeza ay hindi kahinaan sa halip ito ay paalala na may mga opisyal pa ring handang unahin ang dangal ng serbisyo kaysa sa kapit sa posisyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here