MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng inisyal na P1.2 bilyong standby fund upang palakasin ang ayuda sa mga manggagawang bulnerable sa gitna ng krisis sa enerhiya dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOLE, gagamitin ang pondo para sa kanilang mga pangunahing programa tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), na nakatuon sa pagbibigay ng emergency employment at kabuhayan.
Sa unang quarter ng 2026, umabot na sa 110,106 manggagawa ang natulungan ng DOLE sa ilalim ng dalawang programa, na may kabuuang pondo na PHP753.69 milyon.
Bahagi rin ito ng pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) sa ilalim ng Executive Order 110, na nagdedeklara ng national energy emergency.
Nakikipag-ugnayan ang DOLE sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Transportation, DSWD, DILG, at mga LGU upang matiyak ang tuloy-tuloy na ayuda, lalo na sa transport sector na direktang apektado ng taas-presyo ng langis.
Tutok din ang ahensya sa pagtulong sa mga repatriated OFWs sa pamamagitan ng job matching, skills training, at livelihood support, katuwang ang Department of Migrant Workers at OWWA.
Maglulunsad din ang DOLE ng “Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa” sa Abril upang magbigay ng komprehensibong serbisyo sa mga umuwing OFWs at kanilang pamilya.
Samantala, patuloy rin ang pagsasagawa ng job fairs sa buong bansa, kung saan 144 na ang naisagawa mula Enero para palawakin ang oportunidad sa trabaho.
Iginiit ng DOLE na layunin ng mga hakbang na ito na mabawasan ang epekto ng krisis sa kabuhayan ng mga manggagawa at mapanatili ang katatagan ng labor market sa bansa. RNT/JGC