Kinilala ang suspek na si alyas Fred, isang construction worker, ayon kay Metro Manila police chief Police Maj. Gen. Anthony Aberin.
Ayon sa imbestigasyon, bandang 6:30 ng gabi nang rumesponde ang mga tauhan ng Concepcion Dos Police Sub-Station matapos i-report ng barangay ang isang indibidwal na nagwawala sa loob ng subdivision.
Sa pagdating ng mga awtoridad, sa rooftop ng isang bahay nila nadatnan ang suspek na sumisigaw at may hawak na kutsilyo na may habang humigit-kumulang 28 sentimetro kasama ang hawakan.
Sa halip na sumuko, tumanggi umano ang suspek sa pakiusap ng mga pulis na kumalma at naging agresibo ito.
Dito na nag-iba ang sitwasyon mula sa simpleng pagresponde tungo sa engkwentro, kung saan kinagat ng suspek ang isang pulis sa kanang bahagi ng katawan at isa pa sa kaliwang tenga.
Agad na naaresto ang suspek matapos ang insidente at nakuha sa kanya ang kutsilyong hawak niya.
Sa kasalukuyan, nakadetine siya sa custodial facility ng Marikina City Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa sa Marikina City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong direct assault, alarm and scandal, disobedience to person in authority, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession ng bladed weapon. RNT/MND