Home NATIONWIDE Proteksyon sa ani ng lokal na agrikultura, ikinasa ni Legarda sa ‘Local...

Proteksyon sa ani ng lokal na agrikultura, ikinasa ni Legarda sa ‘Local Harvest Support Act’

114
0

MANILA, Philippines – Inihain ni Senadora Loren Legarda ang Senate Bill No. 2051, o ang Local Harvest Support Act of 2026, upang palakasin ang seguridad sa pagkain at protektahan ang kabuhayan ng magsasaka at mangingisda sa panahong tumataas ang presyo ng langis at mga pangunahing bilihin na nagbabantang magpahina sa mga prodyuser sa kanayunan.

“Kapag bumabagsak ang presyo ng ani at huli, ang magsasaka at mangingisda ang unang naaapektuhan. Sa Local Harvest Support Act, sisiguraduhin nating may tiyak na kita sila at may masustansyang pagkain ang bawat pamilya,” ani Legarda.

Itinataguyod ng panukala ang patakarang “Local First” sa pagbili, na nag-aatas sa mga Local Government Unit (LGU), State Universities and Colleges (SUC), pampublikong paaralan, at mga ospital ng gobyerno na kunin ang karamihan ng kanilang pangangailangan sa pagkain direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda. Sa pag-iwas sa mga middleman at pagpapadali ng proseso ng pagbili, direktang naiuugnay ang mga prodyuser sa kanayunan sa mga institusyon, na lumilikha ng tiyak na merkado laban sa pagkalugi at pandaigdigang pagtaas ng presyo.

Ipinapakita ng panukala ang matitinding hamon na kinahaharap ng mga prodyuser sa kanayunan.

Sa Ilocos Norte, ang mga magmamangga ay nabibigatan dahil halos 30 porsyento ng kanilang kita ay nauubos sa gastos sa krudo. Sa Sorsogon, bumagsak ang presyo ng tamban mula ₱1,200 tungo sa ₱60 kada tub kaya’t mas mahal pa ang yelo kaysa sa isda. Sa Benguet naman, napipilitang magbenta ang mga magsasaka ng gulay sa halagang ₱3 kada kilo kahit gumastos sila ng ₱18–₱20 kada kilo sa produksyon. Ang mga halimbawang ito ay malinaw na patunay ng kahinaan ng mga prodyuser sa pabagu-bagong presyo ng langis, mga hadlang sa transportasyon, at sobra-sobrang suplay sa merkado.

“Kung may sobra o glut sa merkado, puwede nang direktang bumili ang pamahalaan para hindi sila malulugi. Sa ganitong paraan, makakarating agad ang pagkain sa mga paaralan, ospital, at komunidad,” dagdag ni Legarda.

Inaatasan ng Local Harvest Support Act ang mga ahensya ng gobyerno na kumuha ng hindi bababa sa 80% ng pangangailangan sa pagkain mula sa mga kanayunan o malapit na lugar, at 60% sa mga highly urbanized areas, na maaaring bumaba hanggang 40% kung may matinding problemang lohistikal.

Binibigyan din ng panukala ang Department of Agriculture (DA) ng kapangyarihang magsagawa ng “rescue buy” sa panahon ng sobra-sobrang suplay, bumili ng ani sa makatarungang presyo at ilalaan ito sa buffer stock, disaster relief, at feeding programs.

Gagamitin dito ang Negotiated Procurement Sagip Saka (NP SS) na hindi na dadaan sa public bidding kaya’t direktang makikipagkasundo sa mga lokal na prodyuser.

Maglalabas din ang DA ng taunang National Agricultural Proximity Map upang tukuyin kung “Proximate” o “Urbanized” ang mga procuring
entity. Kailangang bumili ang mga ito sa presyong mas mataas sa farmgate ngunit nasa loob ng retail range, at ang presyo sa panahon ng glut ay ibabatay sa nakaraang regular na ani.

Inaasahang direktang dadaloy ang bilyon-bilyong pisong gastusin ng gobyerno sa mga komunidad sa kanayunan, magpapasigla ng kaunlaran, at magbibigay ng pangmatagalang katatagan sa kita sa pamamagitan ng tiyak na kontrata.

Para sa publiko, lalo na sa mga estudyante sa feeding programs at mga pasyente sa ospital ng gobyerno, masisiguro ang mas sariwa at masustansyang pagkain.

Sa huli, pinatitibay nito ang pambansang soberanya sa pagkain, binabawasan ang pag-asa sa importasyon, at pinoprotektahan ang lokal na suplay mula sa
pandaigdigang krisis.

Pinalalawak at pinupunan ng panukala ang mga prinsipyo ng Sagip Saka Act (RA 11321) at
Executive Order No. 101 (s. 2025), na nag-uutos na ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan ay direktang bumili mula sa mga magsasaka at mangingisda.

Gayunman, limitado ang EO 101 bilang direktiba ng ehekutibo at wala itong tiyak na sourcing thresholds, kumpletong mekanismo ng pagsunod, o saklaw sa mga pribadong concessionaire. Tinutugunan ng panukala ang mga kakulangang ito sa pamamagitan ng pagtatakda ng mandatory sourcing percentages, integrasyon sa procurement systems, at pagpapalawak ng saklaw sa mga concessionaire sa loob ng mga pasilidad ng gobyerno sa pamamagitan ng preferential sourcing criteria.

“Sa batas na ito, malinaw na ang batayan ng rescue-buy at ang mga hakbang na dapat gawin. Wala nang dahilan para maging mabagal ang tugon ng gobyerno sa panahon ng krisis o sakuna. May malinaw nang mekanismo para mabili ang ani sa tamang presyo, maiwasan ang pag-aaksaya, at agad itong maipamahagi sa mga komunidad na nangangailangan,” pagtatapos ni Legarda. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here