Home NATIONWIDE Mas pinalawak na solar financing sa Pag-IBIG members, isinisulong 

Mas pinalawak na solar financing sa Pag-IBIG members, isinisulong 

129
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Murang Kuryente Party-list Rep. Arthur Yap sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund na palawakin at palakasin ang financing options upang mas maraming miyembro ang makapag-avail ng solar energy solutions.

Sa isinagawang high-level meeting noong Abril 21 kasama si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, binigyang-diin ni Yap ang pangangailangang pabilisin ang paggamit ng renewable energy sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente at langis.

Ayon kay Yap, bagama’t dumarami ang interes ng mga Pilipino sa paggamit ng solar power, nananatiling hadlang ang mataas na paunang gastos sa pag-install nito.

“Filipinos are ready to embrace renewable energy, but financing schemes and affordability are still key challenges that need to be met. We must make solar solutions more accessible through practical and inclusive financing,” ani Yap.

Sa kasalukuyan, may mga loan program na ang Pag-IBIG Fund na maaaring gamitin para sa solar installations, ngunit nais ni Yap na mas paigtingin ang koordinasyon ng Murang Kuryente Party-list, DHSUD, at Pag-IBIG upang mas mailapit ito sa publiko.

Layunin ng panukalang partnership na mapataas ang kaalaman ng mga miyembro, mapadali ang pagkuha ng loan, at mapahusay pa ang umiiral na financing packages para sa mga nais mag-invest sa solar technology.

Binigyang-diin din ni Yap na makatutulong ang solar energy hindi lamang sa pagbawas ng gastos sa kuryente kundi pati sa pangmatagalang energy security at pangangalaga sa kalikasan.

“This initiative is about empowering Filipino families with cleaner, more affordable energy while helping the country move toward a more sustainable future,” dagdag nito.

Samantala, inanunsyo ng DHSUD at Pag-IBIG Fund na inaasahang ilalabas sa lalong madaling panahon ang updated guidelines para sa loan availment ng modular solar energy products, mula sa maliliit na portable solar panels hanggang sa kumpletong home energy storage systems at battery solutions. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here