APAYAO, Philippines – Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Calanasan sa Apayao dahil sa lumalalang epekto ng energy crisis sa kabuhayan at ekonomiya.
Ayon sa lokal na pamahalaan, inaprubahan ni Mayor Shamir Bulut ang resolusyon matapos itong irekomenda ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Napag-alaman na ang krisis ay “significantly disrupted local livelihoods, transportation, and the delivery of basic goods and services.”
Dulot ito ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na konektado sa tensyon sa Middle East, na nagresulta sa matinding pagtaas ng fuel prices.
Bunsod nito, tumaas ang pamasahe at presyo ng mga pangunahing bilihin sa Calanasan. Pinakaapektado ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na transport operators.
Ayon sa konseho, nakaayon ang deklarasyon sa Executive Order No. 110 na nagdeklara ng national energy emergency.
Sa ilalim ng state of calamity, pinahihintulutan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, kabilang ang Quick Response Fund, para sa agarang tulong at mga hakbang sa pagresponde sa krisis. RNT/MND