MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na susunod sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Acting Executive Secretary Ralph Recto sa direktiba ng Korte Suprema na sumagot ang mga ito sa loob ng 10 araw kaugnay sa isang petisyong inihain laban sa kanila hinggil sa kalusugan ng Pangulo.
Nagsumite kasi ng petisyon para sa “writ of mandamus” sina Pantaleon D. Alvarez, Virgilio R. Garcia, Juan C. Rana at Raymundo L. Junina hinggil sa kalusugan ni Pangulong Marcos at kapasidad ni Recto sa kanyang posisyon.
“Kung utos po ng Supreme Court iyan ay gagampanan po gagawa po ng comment,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ulat, nakasaad sa petisyon na hinihiling ng mga nasabing indibiduwal na ilahad ang medical report ni Pangulong Marcos para siguruhin ang kakayahan nitong gampanan ang kanyang mga tungkulin bilang Pangulo ng bansa.
Magugunitang, nausisa ang kalusugan ng Pangulo matapos itong ma-diagnose ng diverticulitis noong Enero at ang pagkalat ng impormasyon ukol sa di umano’y stage 4 cancer nito.
Naging usap-usapan din kamakailan ang umano’y paggamit ng Pangulo ng ilegal na droga, base sa pahayag ng mismong kapatid nito na si Senador Imee Marcos.
Isiniwala ito ni Imee Marcos sa ginanap na kilos-protesta ng religious group na Iglsesia Ni Cristo (INC) kamakailan, lababn sa katiwalian at korapsyon. (KRIS JOSE)