MANILA, Philippines – Tiniyak ng Korte Suprema na aaksyunan at dedesisyunan pa rin ang mga nakabinbing petisyon kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ayon kay Supreme Court Spokesperson, Atty. Camille Ting, kasunod sa pagbasura ng appeals chamber ng International Criminal Court sa petisyon o kwestyon sa ligalidad o kung may hurisdiksyon ba ang ICC sa dating pangulo na akusado sa kasong crimes against humanity.
Ang pagtitiyak ng SC ay sa harap ng mga lumutang na mga agam-agam na ibabasura na ng Korte Suprema o idineklarang most and academic ang mga petisyon dahil bale wala na umano ang naturang mga petisyon matapos pinagtibay at iginiit ng ICC na mayroon silang kapangyarihan na dinggin ang kaso laban sa dating Presidente.
Magugunitang nauna diyan ay naghain ng petisyon na habeas corpus sa korte suprema ang mga supporters at pamilya ng dating pangulo na kumuwestyon sa ligalidad ng pag-aresto at pagdala kay Duterte sa The Hauge, The Netherlands. Jocelyn Tabangcura-Domenden