MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na dalawang Amerikano na nasawi sa naganap na sagupaan sa Toboso, Negros Occidental ay pumasok lamang sa Pilipinas ngayong taon.
Kinilala ng BI spokesperson na si Dana Sandoval ang mga ito na sina Lyle Prijoles at Kai Dana-Rene Sorem, ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa kanilang travel records.
“We cannot disclose at this point,” ani Sandoval sa isang panayam.
“Both of them only arrived this year,” dagdag niya, at nilinaw na hindi sabay pumasok sa bansa ang dalawa.
Ayon sa mga ulat, si Prijoles ay aktibong miyembro ng Anakbayan USA mula pa noong 2012, habang si Sorem ay tinukoy ng Philippine Army bilang isa sa mga founding member ng naturang grupo.
Ang dalawa ay kabilang sa 19 na nasawi sa sagupaan noong Abril 19 sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at pinaghihinalaang New People’s Army rebels sa bayan ng Toboso. Dave Baluyot