MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) noong Martes na magsisimula lamang ang kanilang papel sa kustodiya ng dating kongresista na si Zaldy Co kapag nasa Pilipinas na ito.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, “Malinaw pa rin po ‘yung paninindigan ng PNP na ang participation ng PNP ay mananatili sa custody dito sa Pilipinas. Doon na po magsisimula ‘yung role ng PNP.”
Dagdag niya, ang mga detalye ng sinasabing pagkakadetine ni Co sa ibang bansa, partikular sa Czech Republic, ay ipinauubaya muna sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“Pinauubaya na po sa Department of Foreign Affairs ‘yung mga details ng sinasabi ng diumano kanyang pagkaka-detain sa nasabing bansa po, specifically sa Czech Republic,” ani Tuaño.
Matatandaang sinabi ng Department of Justice na wala na si Co sa kustodiya ng Czech authorities matapos ang kanyang ulat na pagkakaaresto roon.
Si Co ay dati nang kinasuhan ng corruption at malversation kaugnay ng umano’y anomalous P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro, at idineklara na siyang fugitive from justice ng Sandiganbayan.
Nauna nang iniulat na inirekomenda ng mga awtoridad ang Interpol red notice laban sa kanya, habang patuloy ang koordinasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa upang mahanap at maibalik siya sa bansa. RNT/MND