MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na tinatapos na nila ang draft amendments sa Oil Deregulation Law at isusumite ito sa Kongreso sa lalong madaling panahon.
Ayon kay DOE Director Rino Abad, “We have completed a draft amendment… It is being finalized today, and soon we will be submitting it to Congress for amendment.”
Sinabi rin niya na tinitingnan din ng DOE ang posibleng pagbabago sa Price Act, habang binigyang-diin na layunin ng gobyerno na maiwasan ang overpricing sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.
“Now, we cannot prevent the movement, but we can prevent overcharging,” ani Abad.
Patuloy na binabantayan ng DOE ang galaw ng pandaigdigang presyo ng langis, lalo na sa May 1 na paglalabas ng oil pricing ng Saudi Aramco na maaaring makaapekto sa susunod na fuel price adjustments sa bansa.
Kasabay nito, ipinanawagan ni Deputy Minority Leader at APEC Rep. Sergio Dagooc nitong Martes na hindi lang ang Oil Deregulation Law ang dapat amyendahan, kundi pati ang Presidential Decree No. 334 o charter ng Philippine National Oil Company (PNOC), sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Dagooc sa pagdinig sa Kongreso, “It’s not only the oil deregulation law that we need to amend,” at idinagdag na dapat ding baguhin ang PNOC charter upang mapalakas ang seguridad sa suplay ng langis ng bansa.
Sinabi niya, “Under their charter, they are mandated to maintain a sustainable supply, but we no longer have depots because we sold them off.”
Plano niyang maghain ng panukala na mag-uutos sa PNOC na magtayo at mag-operate ng mga oil depot sa Luzon, Visayas, at Mindanao na kayang mag-imbak ng suplay ng langis ng bansa para sa hanggang 60 araw. RNT/MND