MANILA, Philippines – Opisyal nang inilunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang digital version ng Taxpayer Identification Number (TIN) ID na maaaring ma-access na ngayon sa pamamagitan ng eGovPH mobile application.
Ayon sa BIR nitong Martes, Abril 28, layunin ng hakbang na ito na gawing mas madali ang mga transaksyon ng mga Pilipino sa gobyerno at alisin ang pangangailangan ng pagkuha ng physical ID card sa pila.
Ang proyekto ay resulta ng pagtutulungan ng BIR at Department of Information and Communications Technology (DICT), bilang bahagi ng mas malawak na digitalization program ng pamahalaan.
Sinabi ng BIR na ang inisyatibo ay pagpapatuloy ng Online Registration and Update System (ORUS) na inilunsad noong 2023 upang maiwasan ang mga fixer at ilegal na bentahan ng TIN.
Paano ma-access ang Digital TIN ID:
–I-download ang eGovPH app sa Google Play Store o Apple App Store
–Magrehistro gamit ang tamang personal na impormasyon
–Dumaan sa facial recognition verification
–Mag-login gamit ang OTP at 6-digit MPIN
–Pumunta sa “Digital ID” section sa app
–Piliin ang BIR Digital TIN ID para makita
Ayon sa BIR, kailangan na tugma ang impormasyon sa eGovPH profile at sa ORUS database para ma-access ang digital ID. Wala na rin itong physical signature dahil maaaring ma-verify ang authenticity nito gamit ang QR code. RNT/MND