BUKOD sa pagtutol ng mga residente na lagyan ng tulay mula Caticlan hanggang isla ng Boracay, humingi ng update ang Malacañang sa Department of Public Works and Highways kaugnay ng panukalang Bridge project sa Malay, Aklan.
Napag-alaman na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tungkol sa proyekto ngunit wala pa itong pinal ng pag-apruba.
Nauunawaan ng Pangulo ang sentimyento ng mamamayan kaya iniutos niya na pamahalaan muna ito ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Ang proyekto ay isasagawa sa ilalim ng Build-Operate-Transfer scheme at may planong 2.54-kilometrong tulay na may access para sa pampublikong transportasyon, pedestrian lanes, bikeways, at mga pasilidad para sa utilities gaya ng kuryente, komunikasyon, tubig, at sewerage.
Ang Boracay Bridge project ay unang inihain ng San Miguel Holdings Corporation bilang unsolicited proposal sa DPWH noong Pebrero 14, 2018.
Gayunman, umani ito ng pagtutol mula sa ilang sektor at lokal na pamahalaan dahil sa posibleng epekto sa kalikasan at kabuhayan ng mga bangkero at port workers, pati na rin sa lokal na komunidad.
Maging si Representative Joeben Miraflores ấy masidhi ang pagtutol sa nasabing proyekto bilang pagsuporta sa mamamayan ng Malay na huwag payagang itayo ang tulay.
Mababatid na kinondena ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan batay sa Resolution No. 593-2026 ang naging hakbang ng DPWH sa pag-award ng proyekto sa San Miguel Holdings Corporation.
Kung sakaling magkaroon ng masusing imbestigasyon ay malalaman kung sino ang pasimuno ng nasabing proyekto.
Sinisikap nating kunin ang pahayag ni Mayor Frolibar Bautista ngunit siya ay hindi sang-ayon na ituloy ang nasabing proyekto na pinaniniwalaang magdudulot ng hindi magandang epekto lalo na sa kabuhayan ng mamamayan ng nasabing isla.
Kung may nagsasabing masama ang idudulot ng proyekto mayroon namang nagsasabing ang hakbanging ito ay maliwanag na patungo sa kaunlaran hindi lang ng Boracay kundi ng buong lalawigan ng Aklan.






