Home NATIONWIDE PNP kumpiyansang maaaresto sina Atong Ang, Zaldy Co

PNP kumpiyansang maaaresto sina Atong Ang, Zaldy Co

90
0

MANILA, Philippines – Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na maaaresto rin sa kalaunan ang businessman na si Atong Ang at dating kongresista na si Zaldy Co, na parehong nahaharap sa hiwalay na malalaking kaso.

Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang operasyon ng mga awtoridad gamit ang mga nakalap na impormasyon at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya.

“So far, we don’t have a significant update, but our personnel are working based on documented information and established procedures to ensure our operations are in order,” aniya.

“May corresponding operational plan iyan, at patuloy na tinututukan ng ating mga team. Soon, mahuhuli din natin sila,” dagdag niya.

Para kay Ang, may inilabas na arrest warrant kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention dahil sa missing sabungeros case. May inilabas ding Interpol red notice laban sa kanya noong Abril, at may P20 milyon na pabuya para sa impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan.

Ayon sa ulat, nakita siya sa Calabarzon noong Abril, ngunit patuloy ang paghahanap ng awtoridad. Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kanya.

Samantala, may arrest warrant din si Zaldy Co at 17 iba pa kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. Kinasuhan sila ng graft at malversation sa Sandiganbayan dahil sa umano’y P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro na sinasabing ghost at substandard.

Ayon sa imbestigasyon, ang proyekto ay konektado sa Sunwest Corp., na pagmamay-ari ng pamilya ni Co. Itinanggi rin niya ang mga akusasyon.

Noong Abril 16, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na na-detain si Co sa Prague matapos maharang sa Germany, ngunit kalaunan ay sinabi ng DOJ na wala na siya sa kustodiya ng Czech authorities. Ayon sa embahada ng Pilipinas sa France, nasa France si Co noong Mayo 1. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here