Isang pekeng satellite office ng Land Transportation Office (LTO) ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa isinagawang entrapment operation, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga pekeng dokumento gaya ng vehicle registration, driver’s licenses, at LTO forms, pati na rin ang mga hindi pa pinuputol na pekeng pera.
“Bilang asawa ng isang barangay captain, nasasakupan niya po ito. Sa tingin ko, may karapatan po kaming gumawa ng establisyimento,” pahayag ng suspek.
Nang tanungin kung awtorisado ang opisina, sinabi ng suspek na nasa proseso pa lamang ang akreditasyon nito. Gayunman, sinabi ng regional director na kasama sa operasyon na wala umanong aprubado o nakabinbing plano para sa pagtatayo ng LTO satellite office sa naturang bayan.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumilitaw na malawak ang operasyon at tumatakbo na ito sa loob ng dalawang buwan.
“Malaking operasyon ang gustong gawin nito. Dalawang buwan na nag-o-operate. Talagang nagpakilala na opisyal ng LTO officer at opisina. Nakakatakot ito para sa ating mga kababayan na naniniwala na sila’y nakapagproseso ng tamang dokumento sa LTO,” ani Matibag.
Nagbabala naman si LTO chief Markus Lacanilao na maaaring magdulot ng legal at praktikal na problema ang paggamit ng pekeng dokumento, kabilang ang aberya sa aksidente at pag-renew ng lisensya.
“Yung mga maaksidente, maiipit pa rin kahit na nasa tama dahil peke ang mga papel nila. Kapag magre-renew sila, maiipit din dahil peke ang papel,” pahayag ni Lacanilao.
Hinikayat ng NBI ang publiko na beripikahin ang lehitimong mga opisina ng gobyerno at agad ireport ang mga kahina-hinalang aktibidad. Patuloy pang kinukuha ang panig ng suspek. Mary Anne Sapico