MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo sa Philippine National Police (PNP) ang ilang public school teachers laban sa isang Pakistani na inirereklamo nilang gumamit ng kanilang mga identidad sa pagbili ng sasakyan, dahilan upang sila ang mabigatan sa pagbabayad ng monthly amortization.
Ang suspek na kinilala ng pulisya sa alyas na “Habibi” ay naaresto na ng mga operatiba ng Batangas police habang isinasilbi ang warrant kaugnay ng hiwalay na kasong illegal recruitment sa Baguio City.
“The victims were being offered P30,000 to use their personal identities, being teachers, Professional Regulation Commission identification cards and all. Thus, the suspect was able to release the motor vehicles,” ayon kay Police Regional Office Calabarzon (PRO 4A) Director Brig. Gen. Hansel Marantan.
“The poor teachers were given P30,000. They got it from the suspect’s syndicate. But, no payments for the cars were made by the syndicate anymore. Thus, the banks were chasing after the victims for the non-payment of monthly dues,” dagdag niya.
Ayon sa mga awtoridad, napunta sa pagmamay-ari ni Habibi at ng umano’y sindikato ang mga sasakyan. Kabilang sa grupo ang kanyang asawa na itinuturing umanong sub-leader, ilang agents, recruiter, at dalawang tauhan ng Land Transportation Office (LTO).
Tinatayang aabot sa 50 katao, kabilang ang mga guro at ilang personnel ng Philippine Coast Guard, ang nabiktima sa modus na nagsimula umano noong 2022, isang taon matapos dumating sa Pilipinas si Habibi at pakasalan ang isang Filipina.
Ayon sa isa sa mga complainant, pumayag sila matapos ipakilala sa kanila si Habibi ng isang agent na kanilang pinagkatiwalaan.
Kasalukuyang nakakulong si Habibi sa Batangas police at nahaharap sa kasong illegal recruitment. Maaari pa siyang sampahan ng karagdagang kaso na syndicated estafa, falsification of documents, at carnapping. Mary Anne Sapico