MANILA, Philippines – Sa harap ng nararanasang krisis sa produktong petrolyo sa bansa na nakaaapekto rin sa pagtaas ng singil sa kuryente, muling umingay ang panawagan na buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, iginiit ni Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco na napapanahon nang aksyunan ng Kongreso ang pagpasa ng batas para muling mabuksan ang naturang planta.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi na dapat hintayin pa ang krisis sa suplay ng kuryente bago kumilos ang pamahalaan.
Samantala, sinabi naman ni Cecilio Pedro, dating pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc., na mahalagang mapababa ang gastos sa kuryente upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa bansa.
Giit ni Pedro, hindi lang ang mga konsyumer ang apektado kundi pati ang mga negosyo, kaya’t kinakailangang humanap ng alternatibong solusyon upang maiwasan ang pagkalugi. Jocelyn Tabangcura-Domenden