Home NATIONWIDE Malakanyang ‘wapakels’ sa bangayan nina Recto at Leviste

Malakanyang ‘wapakels’ sa bangayan nina Recto at Leviste

103
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang nitong Miyerkules na hindi ito makikialam sa palitan ng akusasyon nina Executive Secretary Ralph Recto at Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, at iginiit na ito ay personal na usapin ng dalawa.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nagkaroon ng pagpupulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Recto kamakailan, ngunit hindi natalakay ang isyu ni Leviste.

“Ang Pangulo po ay nagkaroon po ng pagpupulong kasama si Executive Secretary Ralph Recto kahapon at hindi po ito napag-usapan,” pahayag ni Castro sa briefing.

Dagdag niya, “So, kung mayroon man silang personal na alitan, sa kanilang dalawa na lamang po iyon. At sa ating pagkakaalam ay sumagot na po si Executive Secretary Ralph Recto at basahin na lamang po ninyo kung ano ang mensahe ni ES Ralph Recto.”

Matatandaan na inakusahan ni Leviste si Recto na umano’y tumanggap ng hindi bababa sa P1 bilyong pondo mula sa mga kontraktor kaugnay ng kampanya noong 2025 elections.

Iginiit din ni Leviste ang alegasyon ng vote buying at mas mataas na gastusin sa kampanya sa labas ng Batangas.

Sa kanyang panig, mariing itinanggi ni Recto ang mga paratang, at sinabing tinanggihan niya ang umano’y alok na P400 milyon mula kay Leviste kapalit ng pagpapaatras sa mga kalaban nito sa 2025 elections. Itinanggi rin niya ang anumang kaugnayan sa ghost o anomalous projects. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here