BAYAWAN CITY, Negros Oriental – Patay ang isang babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang bayaw dahil umano sa utang na P500, habang sugatan naman ang anak ng biktima na umawat sa insidente, ayon sa pulisya.
Sinabi na abala ang biktima sa pagpapatulog sa kaniyang anak nang dumating sa kanilang bahay ang suspek na umano’y lasing at nagsisisigaw.
Agad umanong naningil ang suspek sa utang na P500 kaya lumabas ang biktima. Ngunit paglapit niya sa suspek, bigla na lamang siyang sinaksak.
Nasugatan din ang anak ng biktima matapos umanong tangkaing umawat sa pananaksak.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi umano nabayaran ng biktima ang utang na P500 dahil ito na ang ipinambayad niya sa kuryente ng suspek, na nakakabit sa kanilang linya.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation at wala itong inilabas na pahayag. Mahaharap siya sa kasong murder at frustrated murder. Mary Anne Sapico