Home NATIONWIDE Alegasyon ni Leviste vs Recto, kinondena ng 5 Batangas solons

Alegasyon ni Leviste vs Recto, kinondena ng 5 Batangas solons

68
0

MANILA, Philippines – Kinondena ng limang kongresista mula sa iba’t ibang distrito ng Batangas si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste dahil sa umano’y “baseless, malicious, and irresponsible” na alegasyon laban kina Executive Secretary Ralph Recto at Governor Vilma Santos-Recto.

Batay sa House Resolution No. 994 na inihain sa House of Representatives, kabilang sa mga naghain ng resolusyon sina Reps. Gerville Luistro, King George Collantes, Amado Carlos Bolilia IV, Beverly Rose Dimacuha, at Ryan Recto.

Ayon sa resolusyon, inakusahan ni Leviste sa kanyang privilege speech noong Mayo 5, 2026 sina Recto at Vilma Santos-Recto ng pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa Batangas nang walang sapat na ebidensya o dokumento, at nakabatay lamang umano sa hindi kumpirmadong pahayag.

Giit ng mga mambabatas, bagama’t may parliamentary freedom of speech ang mga kongresista, hindi ito dapat gamitin para sa “speculation, insinuation, or reckless statements” na maaaring makasira sa reputasyon ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon pa sa kanila, “Parliamentary immunity is a fundamental and essential privilege but it should not be abused to put forth personal interests in the guise of public service.”

Ang isyu ay nag-ugat sa privilege speech ni Leviste kung saan inakusahan niya si Recto at CWS party-list Rep. Edwin Gardiola na umano’y nangalap ng campaign funds para kina Vilma Santos-Recto at Luis Manzano noong 2025 elections. Ayon kay Leviste, batay sa kanyang “research and estimates,” mahigit ₱1 bilyon umano ang ginastos para sa kampanya.

Matapos ang speech, hinarap siya ni 6th District Rep. Ryan Recto at sinabing hindi dapat ginagamit ang plenaryo para sa mga alegasyong walang sapat na basehan.

Nagtanong din sina Deputy Speakers Janette Garin at David Suarez tungkol sa pinanggalingan ng mga alegasyon ni Leviste, kabilang ang sinasabing ₱1 bilyong campaign spending. Hindi naman direktang sinagot ni Leviste kung magkano ang kanyang sariling ginastos sa kampanya.

Samantala, hiniling ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na alisin sa records ang mga alegasyong walang sapat na batayan.

Patuloy naman ang palitan ng maaanghang na pahayag nina Leviste at Recto sa loob at labas ng social media. Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here