MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14 ng taong kasalukuyan.
Ito ang deklarasyon ni Commission on Elections Chairman George Garcia sa panayam nitong Biyernes, Mayo 8.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng Bangsamoro Electoral Office ng filing ng certificates of candidacy (COC) para sa aspirants ng 32 district representative seats.
Ani Garcia, nagsimula na sila sa verification process ng mga naghain ng COC at ilalabas nila ang opisyal na listahan ng mga kandidato ngayong linggo.
Matatandaan na lumabas ang usap-usapan kung magpapatuloy pa ba ang eleksyon sa Setyembre lalo na sa legal na basehan sa paghalal ng mga representative ng parliamentary districts na kinikwestyon sa Korte Suprema.
Sinabi ni Garcia na ang BARMM parliamentary election na naipagpaliban na ng apat na beses mula 2022 ay magpapatuloy maliban kung maglabas ang Korte Suprema ng restraining order.
Sa kabila nito, batid nila ang mga petisyon sa Korte Suprema na kumikwestyon sa constitutionality ng BARMM districting law.
“If the Supreme Court truly wanted to stop the preparations, it could have issued a restraining order long ago,” ani Garcia. RNT/JGC