MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na 38 Filipino seafarers na sakay ng cruise ship M/V Hondius, na tinamaan ng hantavirus outbreak, ay isasailalim sa 42-araw na quarantine sa Rotterdam bago ma-repatriate sa Pilipinas.
Ang barko na kasalukuyang naka-angkla sa Tenerife Port sa Canary Islands ay nagsimula nang magbaba ng mga crew. Apat na seafarers ang dinala na sa Netherlands noong Linggo, habang 20 pa ang susunod na lilipad. Ang natitirang 14 na crew na binubuo ng deck at engine personnel ay sasabay sa barko patungong Rotterdam.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nananatiling aktibo ang kanilang kontrata at patuloy silang makatatanggap ng sahod sa panahon ng quarantine.
“Upon arrival in the Netherlands, we expect that there will be a repatriation flight… 24 of the 38 seafarers will be flown to the Netherlands, while 14 will sail to Rotterdam,” aniya. “We will work closely with the DFA to monitor their situation to ensure the safety and welfare of the seafarers as directed by the President.”
Ayon naman kay Health Secretary Ted Herbosa, aabot sa 42 araw ang quarantine protocol at isasailalim sa pagsusuri sa Rotterdam bago payagang makauwi sa Pilipinas ang mga seafarers.
“Hantavirus is not common, never in the Philippines,” ani Herbosa, na binigyang-diin na may iba’t ibang uri ng strain na may magkakaibang paraan ng transmisyon.
“If they don’t exhibit symptoms during the quarantine period, they can safely come home,” dagdag niya.
Tiniyak ng DMW na sasagutin ng ship owner ang lahat ng gastos sa Netherlands, habang patuloy ang tulong sa mga seafarers at kanilang pamilya.
Nag-ugat ang alarma matapos ang hantavirus outbreak sa M/V Hondius kung saan tatlong pasahero—isang Dutch couple at isang German woman—ang nasawi habang may iba pang nagkasakit. Ang virus ay karaniwang nauugnay sa mga daga at walang bakuna o tiyak na lunas.
Gayunman, sinabi ng mga health official na mababa ang panganib nito sa pandaigdigang kalusugan ng publiko. Dave Baluyot