MANILA, Philippines – Pormal nang ipinadala ng Kamara nitong Miyerkules ng gabi ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte patungong Senado.
Ito ang hudyat ng panibagong yugto ng proseso sa ilalim ng Konstitusyon para sa gaganaping Senate trial.
Eksaktong 7:22 p.m. nang iabot ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ang dokumento kay Senate Secretary Mark Leandro Mendoza.
Ang reklamong impeachment ay inaprubahan ng House plenary sa pamamagitan ng botong 257-25, habang siyam naman ang nag-abstain.
Ayon kay Garafil, tiniyak muna ng Secretariat na kompleto at tama ang lahat ng kopya, kalakip ang libu-libong pahina ng ebidensya at record bago ito isumite.
“The transmittal of the Articles of Impeachment marks the beginning of the next constitutional phase of the process, and the House Secretariat made sure that all records were complete and in proper order prior to submission,” pahayag ni Garafil.
“The accuracy of our submission is our paramount concern.” dagdav pa nito.
Nagmula ang Articles of Impeachment sa Committee Report No. 261 na pinagtibay sa ilalim ng House Resolution No. 989.
Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni VP Duterte ang maling paggamit ng confidential funds, paglabag sa Konstitusyon, Betrayal of public trust, Graft and corruption at iba pang impeachable offenses.
Dahil sa opisyal na transmittal, mandato na ng Senado na mag-convene bilang isang impeachment court.
Sa ilalim ng Article XI ng 1987 Constitution, kapag ang 1/3 ng mga miyembro ng Kamara ay nag-affirm sa Articles of Impeachment, ituturing na itong verified complaint at dapat nang dinggin sa Senado.
Itinanggi rin ng liderato ng Kamara na may nangyaring delay para sa usaping pulitika.
Paliwanag ng Kamara sadyang napakarami ng kalakip na dokumento gaya ng documentary evidence at affidavits, transcripts at certifications, fndings mula sa Commission on Audit (COA), fnancial records mula sa mga pagdinig ng House Committee on Justice. Gail Mendoza