MANILA – Nilinaw ng Malacañang noong Huwebes ang mga alegasyong sinalakay umano ng mga alagad ng batas ang gusali ng Senado, at sinabing batay sa paunang imbestigasyon, walang operasyon ang National Bureau of Investigation o Philippine National Police upang lusubin ang kapulungan o arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.
Ang paglilinaw ay ginawa matapos mabahala at malito ang ilang miyembro ng majority bloc ng Senado dahil sa mga ulat ng putukan at presensya ng mga armadong law enforcement personnel malapit sa Senate complex bago magmadaling-araw noong Huwebes.
Sa pangunguna ni bagong talagang Senate President Alan Peter Cayetano, ilang miyembro ng majority bloc ang nagpalitan sa pagpapanawagan para sa panalangin at suporta kamakalawa ng gabi, sinasabing, “inaatake kami, may putukan na dito.”
Tinukoy ang impormasyon na nakalap mula sa NBI, PNP, Senate Secretariat at iba pang mga kinauukulang ahensya, sinabi ng Malacañang na “hindi sumalakay ang NBI sa Senado” at “walang kautusan na arestuhin ng PNP at NBI si Senador Ronald dela Rosa.”
Lumitaw rin sa paunang imbestigasyon na humiling si GSIS chief Wick Veloso ng presensiya ng NBI upang tumulong sa pag-secure ng GSIS premises na katabi ng compound ng Senado, sa gitna ng tumataas na mga alalahanin sa seguridad.
Batay sa report, lumala ang insidente matapos umanong magpaputok ng warning shot si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, na naging dahilan upang gumanti ng putok ang isang NBI agent na naka-istasyon malapit sa tulay na nag-uugnay sa GSIS at gusali ng Senado.
Sinabi ng mga awtoridad na nagkaroon ng hindi bababa sa 30 putok ng baril sa gitna ng engkuwentro, at may ilang bala umano na nagmula sa loob ng gusali ng Senado.
Sinabi pa sa ulat ng Palasyo na umalis na si Senator dela Rosa sa gusali ng Senado dakong alas-2:30 ng umaga, bagama’t hindi pa nabeberipika ng mga awtoridad ang eksaktong kinaroroonan niya matapos ang insidente.
Ang paglilinaw mula sa Malacañang ay epektibong nag-alis ng mga naunang impresyon na kumakalat sa ilang mambabatas at tagasuporta na tila sinasalakay o puwersahang pinapasok ng mga operatiba ng estado ang Senado.
Ang insidente ay agad na kinondena ng mga mambabatas, kabilang si Senadora Risa Hontiveros na inilarawan ang karahasan bilang isang paglapastangan sa institusyon.
“Unfortunately, the Senate, The People’s House, the hallowed space where laws are made and rights are defended, was turned into a shooting range. That is desecration, not just of our walls, but of the trust placed in that institution,” ani Hontiveros.
Binatikos din ni Senador Win Gatchalian ang insidente at nanawagan ng pananagutan mula sa mga sangkot dito.
“Mariin kong kinokondena ang insidente ng pamamaril sa loob ng bakuran ng Senado. Dapat agarang matukoy kung sino ang nag-utos at ang mga kasabwat upang mapanagot sila sa ilalim ng batas,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ng mga imbestigador ng pamahalaan at mga political observer na ang kalituhan, tuminding tensyon, at mga hindi beripikadong ulat na kumalat habang nangyayari ang insidente ay maaaring nakapag-ambag sa inilarawan ng mga kritiko bilang “panic reaction” ng ilang miyembro ng majority bloc.
Walang agarang naiulat na nasawi, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sunod-sunod na pangyayari at ang pananagutan sa palitan ng putok ng baril.
Nanawagan ang Malacañang ng kahinahunan at katahimikan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, at nagbabala laban sa pagkalat ng maling impormasyon at maagang konklusyon na maaaring magpalala pa ng tensiyong politikal.
Hindi pa naglalabas ng komprehensibong opisyal na pahayag ang pamunuan ng Senado hinggil sa mga natuklasan ng Palasyo at sa mga pangyayaring kaugnay ng insidente. RNT