Home NATIONWIDE Brain, spine medical center sa Cagayan ininspeksyon ni PBBM

Brain, spine medical center sa Cagayan ininspeksyon ni PBBM

62
0

MANILA, Philippines – PERSONAL na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang brain and spine center sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Kabilang sa mga bagong pasilidad ang operating room at patient’s ward na matatagpuan sa ikalawang palapag.

Sinamahan nina DOH Undersecretary Glenn Mathew G. Baggao at CVMC Chief Dr. Cherry Lou M. Antonio ang Pangulo.

“Mahirap talaga makapunta sa Maynila lalung-lalo na ang may sakit. Kaya natuto na tayo. Sabi ko maglagay tayo ng specialty center sa iba’t ibang lugar para naman [kung] mangyari ang kagaya ng COVID ay hindi na tayo naghahanap ng ospital,”ayon sa Pangulo.

Nauna rito, pinangunahan din ng Pangulo ang pagbabasbas at pagpapasinaya ng Brain and Spine Center sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Carig, Tuguegarao City, bilang bahagi ng malaking pagpapalawak ng espesyal na serbisyong pangkalusugan sa Hilagang Luzon.

Ang bagong pasilidad ay may 30-bed capacity at dalawang operating room theaters na inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng ospital sa stroke management, neurosurgery, neurophysiology, neurodiagnostics, at iba pang espesyal na serbisyong neurologikal para sa mga pasyente sa Region II at mga karatig-probinsiya.

Kabilang sa mga tampok ng sentro ang Acute Stroke Unit, Neurosurgery Complex, Neurophysiology Unit, at mga makabagong diagnostic services upang mapalawak ang access sa komprehensibong gamutan para sa sakit sa utak at gulugod kahit nasa labas ng Metro Manila.

Bahagi ang inagurasyon ng patuloy na pagsusulong ng administrasyon ng accessible at dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Universal Health Care Act at Regional Specialty Centers Act.

Sa naturang okasyon, pinangunahan din ng mga opisyal ng pamahalaan ang groundbreaking ng planong apat na palapag na Heart, Lung, Renal Care and Kidney Transplant Center sa loob ng CVMC compound.

Ang planong specialty center ay magbibigay ng advanced cardiovascular, pulmonary, renal, at transplant services para sa mga pasyente mula sa Cagayan Valley at iba pang bahagi ng Hilagang Luzon.

Kabilang sa proyekto ang 25-bed Heart Center na may cardiac catheterization laboratory at hybrid operating room, isang 25-bed Renal Center na may 25-unit hemodialysis facility, at hiwalay na Lung Center na may sariling operating complex at pulmonary rehabilitation area.

Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ng pasilidad sa Hunyo 2026 at target na matapos pagsapit ng Hunyo 2027.

Ayon sa mga opisyal ng ospital, layunin ng bagong specialty center na mabawasan ang pagpapadala ng mga pasyente sa Metro Manila at iba pang malalayong institusyong medikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng advanced treatment at diagnostic services sa mismong rehiyon.

Inaasahan ding mapapalawak ng proyekto ang access sa serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap at underserved na pasyenteng nangangailangan ng cardiovascular care, pulmonary critical care, dialysis, advanced urologic services, at kidney transplantation.

Sinabi ni CVMC Chief Dr. Cherry Lou M. Antonio na ipinapakita ng mga bagong development ang patuloy na pagbabago ng ospital tungo sa pagiging pangunahing multi-specialty apex hospital at referral center sa Northern Philippines.

Ayon naman sa mga opisyal ng pamahalaan, inaasahang lalo pang mapapalakas ng pagpapalawak ng specialty services sa CVMC ang regional healthcare system, mapapabuti ang patient outcomes, at masuportahan ang pagsasanay ng mga susunod na medical specialist sa Hilagang Luzon. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here