Home TOP STORIES Nagbitiw man sa puwesto, malasakit ni Rep. Oducado sa sambayanan patuloy

Nagbitiw man sa puwesto, malasakit ni Rep. Oducado sa sambayanan patuloy

40
0

Pinuri ng iba’t ibang sektor si Nathaniel Oducado dahil sa kaniyang walang sawang paglilingkod, pagsusulong ng mga makabuluhang panukalang batas, at taos-pusong pagtulong sa kapwa sa buong panahon ng kaniyang panunungkulan bilang kinatawan ng 1Tahanan Party-list.

Ayon sa mga tagasuporta at mga mamamayang kaniyang natulungan, nananatiling simple, tapat, at may malasakit si Rep. Oducado sa kabila ng kaniyang posisyon sa gobyerno. Kilala umano ito bilang isang lider na inuuna ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino kaysa pansariling interes.

Sa loob ng kaniyang termino, nakapaghain si Rep. Oducado ng maraming proposed house bills na nakatuon sa kapakanan ng mahihirap, pagpapalakas ng pabahay, kabuhayan, edukasyon, at iba pang programang makatutulong sa mga pamilyang Pilipino. Hindi rin matatawaran ang kaniyang dedikasyon sa pagtulong sa mga nangangailangan kahit walang kamera o publicity.

Samantala, kinumpirma ni Rep. Oducado ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto dahil sa personal na dahilan. Gayunman, nilinaw nito na hindi matatapos sa kaniyang resignation ang hangarin niyang makapaglingkod sa bayan at makatulong sa mga nangangailangan.

“Maaaring hindi na ako maging kongresista, pero mananatili ang aking hangarin na makatulong sa ating mga kababayan at sa bansa sa abot ng aking makakaya,” ayon kay Oducado.

Ayon sa ilang malalapit sa dating mambabatas, isa raw si Oducado sa mga bihirang pulitikong may tunay na malasakit at malinis na intensyon sa serbisyo publiko. Sa halip na kapangyarihan o kasikatan, mas pinili umano nitong unahin ang personal na kapayapaan ng kaniyang pamilya habang ipinagpapatuloy ang pagtulong sa kapwa sa pribadong paraan.

“Si Rep. Nathaniel Oducado ay halimbawa ng isang tunay at marangal na lingkod-bayan. Tahimik man kumilos, ramdam ng tao ang kaniyang malasakit at kabutihan,” pahayag ng ilang residente at supporters.

Sa kabila ng kaniyang pag-alis sa Kongreso, marami pa rin ang naniniwalang mananatiling inspirasyon si Atty. Nat Oducado bilang isang lider na may integridad, kababaang-loob, at pusong tapat sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here