TUMIGIL nang magmukhang purong sibilyang proyekto ang planong Sangley Airport nang pondohan ng United States Trade and Development Agency ang feasibility study nito — malinaw na senyales ng mas istratehikong paglapit ng Amerika sa Pilipinas.
Mahalaga ang lokasyon nito dahil may direktang akses sa South China Sea, malapit sa Luzon Strait, at nasa tabi ng Manila Bay — mga kritikal na lugar sa anomang posibleng sigalot kaugnay ng Taiwan.
Dito nagmumula ang pangamba ng maraming Pilipino. Ang mga paliparan ngayon ay hindi na lamang para sa sibilyang gamit. Sa makabagong heopolitika, maaari silang magsilbing “dual-use” assets na mabilis na magagamit para sa operasyong militar kapag may krisis.
Para sa bansang naiipit sa pagitan ng Washington at Beijing, bawat bagong “istratehikong” proyekto ay nagpalalalim sa takot na unti-unting ginagawang ‘frontline state’ ang Pilipinas sa tunggalian ng mga superpower.
Maging si Pangulong Bongbong Marcos ay nagsabing “sa pagtingin pa lamang sa mapa,” hindi maiiwasang maapektuhan ang Pilipinas sakaling magkaroon ng digmaan tungkol sa Taiwan. Nakatatakot isipin na kahit ayaw ng mga Pilipino ng giyera, tila kusang isinasali tayo rito ng ating heograpiya.
Paikot-ikot na Brownout
Nagbabala ang Department of Energy tungkol sa mas marami pang yellow at red alerts. Ngunit para sa ordinaryong Pilipino, ang ibig sabihin nito ay mas mataas na bayarin, maiinit at puyat na gabi, panis na pagkain, at abalang trabaho.
Mas nakaiinis dahil tila taon-taon na lang itong nangyayari. Tuwing tag-init, inuulit ang parehong babala habang sinasabihan ang publiko na magtipid ng kuryente kahit paulit-ulit ding pumapalya ang mga planta. Ang mga Pilipino ang nag-aadjust, nagtitiis, at nagbabayad habang nananatiling marupok ang sistema.
May mali sa isang bansang gustong umunlad ngunit may power grid na madaling bumigay kapag tumataas ang init. Sa kalaunan, ang energy planning ng gobyerno ay nagmumukhang koleksiyon ng palusot kaysa seryosong pangmatagalang solusyon.
Takda sa Presyo ng Bigas
Nais magpatupad ng gobyerno ng ₱50 price ceiling sa imported rice at ₱53 SRP sa lokal na bigas. Para kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tila tapos na ang panahon ng simpleng “moral suasion.”
Para sa mga Pilipinong hirap sa taas ng presyo ng pagkain, mahalaga ito. Para naman sa mga retailer at trader, malinaw na ang profiteering ay maaaring magdulot ng multa, kulong, o pagsasara ng negosyo.
Mas mahalaga rito ang mensahe: sa wakas, may DA na handang kumilos hindi bilang tahimik na tagamasid, kundi bilang referee na handang pumito kapag hindi na makatwiran ang presyo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






