ANO man ang mga negatibong sinasabi ng ilan kay Pangulong Bongbong Marcos, may isang bagay na alam nating totoong malapit sa puso niya — ang kahalagahan ng edukasyon.
Kaya nga sa kabila ng mga ingay sa pulitika, tinugunan ni PBBM ang reklamo ng mga magulang, estudyante, at ‘faculty’ ng Mindanao State University hinggil sa umano’y dumaraming insidente ng “sablay” na pamumuno ni MSU President Atty. Paisalin Pangandaman Tago.
Sa kanyang ‘press briefing’ nitong Lunes, kinumpirma ni Palace Spokesperson Atty. Claire Castro na inatasan na ang Commission on Higher Education na imbestigahan ang mga reklamo dito kay Atty. Tago na “pinsan” ni ex-Budget Secretary Amenah Pangandaman.
(Ayon sa mga miron, kaya napuwesto si Atty. Tago sa MSU noong isang taon ay dahil sa “tulong” ni Secretary Amenah na alam ng lahat ay “bagyo” sa Palasyo—bago siya nakaladkad sa flood control project scam).
Noong Abril, hindi pinayagan ni Tago na makadalo sa dalawang mahalagang ‘student assembly’ sa labas ng Marawi ang may 60 estudyante sa Medicine at Agricultural Departments.
Ginawang dahilan ni Tago ang direktiba ni PBBM na kanselahin ang lahat ng “unnecessary travels” dahil nahaharap ang bansa sa krisis bunga ng patuloy na giyera sa Middle East.
Pero teka, CHEd Chairperson Shirley Agrupis, “unnecessary travel” ba kung ang pagdalo ay ‘course requirement’ para maka-graduate ang estudyante? Paano rin kung wala namang gastos ang MSU kahit singko, “unnecessary expenses” bang matatawag ‘yan?
May isyu rin ng ‘non-transparent repairs’ sa mga gusali at pasilidad sa Marawi Campus na iniutos umano ni Tago.
“Hotel-like” na umano ang hitsura ngayon ng ‘Guest House’ na siyempre pa ay ‘official residence’ niya ngayon. Tuloy ang pagkumpuni pero wala naman (daw) ‘Program of Works?’
Kung wala nga namang programa at ipinapakitang ‘Bill of Materials,’ “magkano” na nga ba ang nagastos at “saan” nanggaling ang pera, tanong mo ba, Commission on Audit Chair, Gamaliel Cordoba?
May “alingasngas” din ng ‘monthly payola’ sa administrasyon ni Tago na sangkot umano ay kamag-anak niya at isang ‘private contractor’ kaya dapat sigurong “kalibitin” naman dito ang Ombudsman?
Muli, bukas ang pitak natin sa ano mang paliwanag ng kampo ni Atty. Tago. Abangan!






