MANILA, Philippines – Ipinaubaya na ng Malakanyang sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbestiga ukol sa mga patutsada ni Davao City Mayor Baste Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa administrasyon nito.
Tinuligsa kasi ni Mayor Baste ang pagbabalik ng talamak na problema sa Pilipinas gaya ng ilegal na droga, kriminalidad at korapsyon sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Marcos.
“Ano ang achievement nito? binalik ‘yung droga, binalik ‘yung kriminalidad, binalik ‘yung korapsyon, At ngayon, ‘Yong P*tang Inang Yan… gusto pang magtagal ng termino niya. Magaling din ….sa walang hiyaan. Ang P*ki ng Inang Yan,” ang sinabi ni Mayor Baste sa kanyang naging talumpati sa Rage Coalition Rally sa Davao kamakalawa.
“Ang NBI po, PNP, kung may nilalabag na batas, kung may kasinungalingang ibinibigkas para magulo ang bayan, sila na po ang dapat na mag-imbestiga rito,” ang sinabi ni Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Binigyang diin pa ni Castro na ang mga binabanggit ni Mayor Baste laban sa Pangulo (Marcos) ay walang katotohanan.
“ito ay pawang paninira lamang at iyan ang gusto niyang (Mayor Baste) i-amplify sa kaniyang mga kaalyado para palabasin na ang Pangulo ay walang ginagawa. Pero iyan po ay taliwas sa katotohanan,” ani Castro.
Ipinagkibit-balikat naman ng Malakanyang ang patutsada pa rin ni Mayor Baste na walang achievement si Pangulong Marcos.
“Sa ngayon po kasi, kung sino po iyong madalas nagbabakasyon, sila pa po iyong naghahanap ng ginagawang trabaho ng Pangulo. Hindi natin sila masisisi kung sila’y bulag at bingi sa ginagawa ng Pangulo dahil siguro wala sila sa bansa. Pero iyan po kasi ang paulit-ulit na sinasabi nila at ng kanilang mga kaalyado upang lokohin ang taumbayan sa kanilang mga kasinungalingan na walang ginagawa ang ating Pangulo. Kitang-kita po natin ang mga trabaho, kung ano na po ang nagawang proyekto at mga naibibigay na ayuda ng ating Pangulo,” ltaniya nito.
Sinabi pa rin ni Castro na tila walang alam si Mayor Baste na masugid ang gobyerno sa pagsawata ng mga iligal na droga.
“Kaya nga nagtataka po tayo, bakit po kaya napakadaming droga, illegal drugs na nahuhuli sa Davao City? Katulad po nito, noong May 14, 2026, mayroon pong nahuli, nasabat na halagang 15.6 million shabu mismo sa Davao City operation. Hindi po ba sakop niya ito? Kaya nga po bakit sa Davao City ay may nahuhuli kung naging epektibo po iyong sinasabi nilang war on drugs. Sa ngayon po, wala po tayong EJK pero marami pong nasasabat ang ating mga law enforcers para po masawata ang iligal na droga,” anito.
“At patungkol po sa hindi nasawata ang korapsyon, patuloy po ang administrasyon na ito para panagutin ang dapat managot. Ang isa po na umamin na korap at nagnakaw sa pondo ng bayan nasa The Hague na po,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)