MANILA, Philippines — Hinamon ni Senate President Alan Peter Cayetano ang kanyang mga kritiko sa Senado nitong Lunes, Mayo 25, 2026 na sinabing handa siyang bumaba sa pwesto kung makakakuha ng hindi bababa sa 13 pirma ang sinumang magpapalit sa kanya.
“I’m at your service and I am at your disposal. Show me 13 hands or 13 signatures. I will even administer your oath if you want to,” pahayag ni Cayetano sa kanyang privilege speech sa Senado, kasabay ng patuloy na usapin ng umano’y planong pagpapatalsik sa kanya mula nang maupo bilang Senate President noong Mayo 11.
Inulit din ni Cayetano ang nauna niyang pahayag na iboboto niya si Sen. Sherwin Gatchalian, na umano’y itinutulak ng 11-miyembrong minority bloc bilang posibleng kapalit niya.
Pinabulaanan din niya ang mga alegasyon na bumaba ang kredibilidad ng Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno. “The Senate’s credibility declined when the flood control issue began because some in the minority were mentioned,” aniya, na tumutukoy sa mga kontrobersiya kaugnay ng flood control projects at mga mambabatas na nadawit sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ang komite ay dating pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, na kalauna’y pinalitan ni Sen. Pia Cayetano bilang bahagi ng muling pag-aayos ng mga komite sa ilalim ng bagong liderato ng Senado.
Binalewala rin ni Cayetano ang panawagan ng “fresh start,” at sinabing ang kanyang pag-upo bilang Senate President ay isa nang bagong simula. “Why? Wasn’t my arrival already a fresh start? I hadn’t even begun yet, and I was already being attacked,” aniya.
“Judge me as Senate President every single day, every single week,” dagdag niya, habang hinihiling na bigyan siya ng panahon upang patunayan ang kanyang pamumuno.
Sa unang linggo ni Cayetano bilang Senate President, nagkaroon ng insidente ng pamamaril sa pagitan ng Senate security at mga ahente ng National Bureau of Investigation, kasabay ng maikling paglitaw ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na bumalik noong Mayo 11 upang bumoto kay Cayetano bago umalis makalipas ang ilang oras matapos ang insidente. RNT