MANILA, Philippines – Iginiit ni Murang Kuryente party-list Rep. Arthur Yap na kakulangan sa suplay ng kuryente at hindi umano late reporting ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang tunay na dahilan ng rotational brownouts nitong Mayo.
Sa pagdinig ng House committees on energy at legislative franchises, sinabi ni Yap na kahit may mag-trip na planta ay hindi magkakaroon ng brownout kung sapat ang generating capacity ng bansa.
“Ang tunay na isyu rito ay supply and demand. Kulang ang generating capacity,” ani Yap.
Kinuwestiyon din niya kung bakit mas pinagtutuunan ng pansin ang umano’y late submission ng ulat ng NGCP kaysa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Nauna rito, sinabi ng Department of Energy (DOE) na kulang umano ang detalyadong ulat ng NGCP kaugnay ng pag-trip ng dalawang transmission line na nakaapekto sa halos 3.9 milyong consumers.
Gayunman, iginiit ng NGCP na nanatiling normal ang operasyon ng Luzon Grid matapos ang transmission line tripping at lumala lamang ang sitwasyon nang magsabay-sabay magkaaberya ang ilang power plants habang tumaas din ang demand sa kuryente.
Ayon pa sa NGCP, mahigit 30 planta na rin ang naka-forced outage o nag-ooperate sa reduced capacity bago pa nangyari ang brownout.
“NGCP can only transmit power that is available. If supply is insufficient, no amount of transmission capacity can compensate,” ayon sa kumpanya. RNT/JGC