MANILA, Philippines – Sa isang Facebook Live, mahaba at matinding dinepensahan ni Senator Alan Peter Cayetano ang kasalukuyang isyu sa liderato ng Senado, iginiit na ang naganap na reorganization noong nakaraang linggo ay hindi lehitimo at hindi nakabatay sa Konstitusyon.
Ayon kay Cayetano, nasa sambayanang Pilipino ang soberanya at dapat manatiling independyente ang Senado.
“Ang problema ng Pilipino, kailangan harapin ng mga Pilipino. Hindi pwedeng ibang bansa o Malacañang ang magdesisyon para sa Senado. Ako po, hindi anti-any nation. I am pro-Philippines. I will decide based on three books: the Senate rules, the Philippine Constitution, and the Bible,” aniya.
Naging usapin ang kanyang posisyon bilang Senate President matapos mahalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore noong Miyerkules, kasunod ng pagdating ni Sen. Chiz Escudero para maresolba ang hindi pagkakaunawaan sa Senado.
Dahil dito, parehong panig ang nagsasabing sila ang lehitimong mayorya, na nagdulot ng patuloy na power struggle sa Senado.
Nagbabala si Cayetano laban sa umano’y pagtatangka na sirain ang demokrasya, at sinabi niyang ang kalayaan ay nagdadala ng biyaya habang ang pagiging kontrolado ay nagdudulot ng kapahamakan.
“Pagka-independent, may blessing. Pag ito ay naging puppet at may puppet master, cursed na po ito. Democracy means representation, free speech, rallies, social media—hindi dapat ito masakal,” aniya.
Ibinahagi rin niya na ilang beses na raw siyang tinanggihan ang pagkakataong kunin ang Senate presidency noong 2016, 2022, at 2025, at sinabing “By God’s grace, napunta sa akin. I knew this wasn’t about perks or billions in discretionary funds. This was about the truth.”
Inakusahan din ni Cayetano ang Malacañang at mga kaalyado nito ng umano’y pakikialam sa isyu, kabilang ang pagpasok ng NBI agents sa Senado.
“Sila yung nanggulo, kakampi ang Malacañang, kakampi ang NBI, tapos pinapalabas kami ang magulo. Clear na yun. Even the walkout showed the inconsistency—walang quorum daw, then biglang meron,” aniya.
“Huwag ka magpagamit sa Malacañang at sa mga kasamahan mo. Kahit binibigyan ka ng high position, don’t let them ruin your future,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ng Palasyo na kinikilala nila ang bagong liderato ng Senado, kabilang si Gatchalian bilang Senate President Pro-Tempore.
Giit naman ni Cayetano, dapat protektahan ng mga senador ang kalayaan ng Senado at tutukan ang katotohanan at serbisyo sa bayan.
Sa panig naman ni Gatchalian, pinaninindigan niya ang legalidad ng session noong June 3 na nagluklok sa kanya, at iginiit na mas mabigat ang opinyon ng Integrated Bar of the Philippines, mga law dean, at dating Senate Presidents kaysa sa iba pang kritisismo. RNT/MND