MANILA, Philippines – Tinanggap na ni Pope Leo XIV noong Sabado ang pagreretiro ni Diocese of Parañaque Bishop Jesse Mercado.
Ito ay matapos maabot ni Mercado ang mandatory retirement age na 75 taong gulang para sa mga obispo.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), inihayag ni Papal Nuncio Archbishop Charles Brown ang desisyon sa Misa para sa kaarawan ni Mercado sa San Agustin Parish Church sa Parañaque City.
Kasabay nito, sinabi ng Vatican Representative na hinirang ng Santo Papa si Bishop Elias Ayuban Jr. ng Cubao bilang apostolic administrator sede vacante – “bakante ang upuan” – ng Parañaque. Si Ayuban ang pansamantalang mamahala sa diyosesis hanggang sa maupo ang bagong obispo.
Si Mercado ay naordenahang pari para sa Archdiocese of Manila noong March 19, 1977.
Nahirang siyang auxiliary bishop ng Manila noong Feb. 25, 1997, at naordenahan bilang obispo noong March 31 ng parehong taon.
Noong Dec. 7, 2002, siya ang unang hinirang na obispo ng bagong tatag na Diocese of Parañaque at pormal na nanungkulan noong Jan. 28, 2003.
Nagsilbi rin siya bilang chair ng CBCP Episcopal Commission on the Laity at Episcopal Commission on Family and Life, at rector ng Pontificio Collegio Filippino – isang kolehiyo para sa mga diyosesanong pari mula Pilipinas na nag-aaral sa mga pontifical university sa Rome. Jocelyn Tabangcura-Domenden