Home METRO Buwanang earthquake drill sa mga paaralan sa Maynila, ipinag-utos ni Yorme Isko

Buwanang earthquake drill sa mga paaralan sa Maynila, ipinag-utos ni Yorme Isko

2
0

MANILA, Philippines – Upang mas maihanda ang mga estudyante sa posibleng pagtama ng matinding lindol o tinatawag na “The Big One,” ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagsasagawa ng buwanang earthquake simulation exercises sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Inaprubahan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) ang isang resolusyon na nag-aatas sa lahat ng pampublikong elementarya at mataas na paaralan, gayundin sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila, na magsagawa ng earthquake drills isang beses bawat buwan habang may pasok.

Ayon kay Domagoso, mahalagang maging pamilyar ang mga mag-aaral sa tamang kilos kapag may lindol upang hindi sila mataranta sa oras ng sakuna.

“May banta pa rin ng ‘The Big One’ sa Metro Manila. Kapag nasanay ang mga bata sa regular na drill, mas magiging handa sila sakaling mangyari ito,” ani ng alkalde.

Partikular na binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagsasanay para sa mga bagong estudyante tulad ng mga nasa Kindergarten at Grade 1 upang maagang matutunan ang wastong paglikas at pagsunod sa mga safety procedures.

Hindi naman kinakailangang sabay-sabay gawin ang earthquake drills sa 104 pampublikong paaralan sa Maynila. Maaari umanong pumili ang bawat paaralan ng sariling petsa kada buwan basta’t ito ay isinasagawa habang may klase.

Nanawagan din si Yorme Isko sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan na tumulong sa pagsasagawa ng mga simulation exercise, kabilang ang pagsubok sa mga bagong kagamitan gaya ng heat-seeking drone ng lungsod.

Samantala, nagpapatuloy rin ang inspeksiyon ng pamahalaang lungsod sa mga lumang gusali ng paaralan at iba pang pasilidad ng gobyerno upang matiyak ang kanilang kaligtasan sakaling tumama ang malakas na lindol.

Nananatili rin umanong nakaantabay ang Maynila kung kakailanganin ang tulong para sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here