Home HOME BANNER STORY US, Iran nagpalitan ng pag-atake

US, Iran nagpalitan ng pag-atake

3
0

IRAN – Muling nagsagawa ng serye ng pag-atake ang Estados Unidos laban sa ilang target sa Iran habang nagbabala si US President Donald Trump na mas matitinding opensiba pa ang isasagawa kung hindi agad magkakaroon ng kasunduang pangkapayapaan.

Ayon sa US Central Command, nagsimula pasado hatinggabi ng Huwebes sa Tehran ang mga pag-atake bilang tugon umano sa patuloy na agresyon ng Iran.

Bilang ganti, sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran na naglunsad sila ng mga pag-atake sa 18 pasilidad militar ng Amerika sa Kuwait at Bahrain. Dahil dito, pinaandar din ang mga sirena sa Bahrain bilang pag-iingat.

Nagbabala rin ang pinakamataas na military command ng Iran na papaputukan nila ang anumang sasakyang-dagat na dadaan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang pandagat para sa langis sa buong mundo. Iniulat ng Iranian media na dalawang barko na umano ang pinaputukan.

Gayunman, iginiit ng US Central Command na nananatiling bukas ang Strait of Hormuz at patuloy ang pagdaan ng mga commercial vessel sa lugar sa kabila ng mga bantang inilabas ng Iran.

Ayon kay Trump, may mga barkong nakatawid sa nasabing kipot nang walang pahintulot ng Iran bilang bahagi umano ng isang lihim na operasyong militar.

Ang panibagong bakbakan ay bahagi ng lumalalang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa matapos mabalam ang marupok na tigil-putukan na ipinatupad noong Abril.

Sa ulat, sinabi ni Trump sa Fox News na handa niyang itigil ang mga pag-atake kung papayag ang Iran sa kasunduan ngunit nagbanta rin siya ng mas mabibigat na pambobomba kapag tumanggi ang Tehran.

Naitala rin ang mga pagsabog sa ilang lungsod sa Iran kabilang ang Sirik, Kargan, Bandar Abbas, Minab, Varamin at Karaj.

Ayon naman kay US Defense Secretary Pete Hegseth, layunin ng operasyon na pilitin ang Iran na makipagkasundo upang tuluyang matapos ang sigalot.

Target umano ng militar ng Amerika ang mga air defense system at radar installations malapit sa Strait of Hormuz matapos pabagsakin ng Iran ang isang US attack helicopter sa naturang lugar noong Lunes.

Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng missile at drone attacks laban sa mga base militar ng Amerika sa Jordan, Kuwait at Bahrain. Ayon sa isang opisyal ng US, wala namang naitalang malaking pinsala.

Samantala, inakusahan ng Iran ang Amerika ng pag-atake sa mga reservoir na nagsusuplay ng inuming tubig sa 10 nayon at paglabag sa international law.

Sa kabila ng tumitinding tensyon, nagpapatuloy pa rin ang mga diplomatikong hakbang matapos dumating sa Tehran ang delegasyon mula Qatar upang mamagitan sa magkabilang panig.

Libo-libong katao na ang nasawi sa apat na buwang sigalot habang apektado rin ang pandaigdigang suplay ng langis at natural gas, dahilan upang muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here