MANILA, Philippines – Sinabi ni US President Donald Trump na pirmado na ang memorandum of understanding sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na naglalayong wakasan ang digmaan sa Gulf at muling buksan ang Strait of Hormuz, na ilang buwan nang naapektuhan ng blockade sa suplay ng langis.
“The deal’s all signed. And the strait is already partially opened,” ani Trump pagdating niya sa France para sa G7 summit.
Nakatakdang idaos sa Geneva sa Biyernes ang pormal na paglagda sa kasunduan. Ayon kay Trump, maaari nang ilabas sa publiko ang nilalaman nito matapos ang seremonya.
Kasunod nito, nanawagan si Senate Democratic leader Chuck Schumer na ilabas ng administrasyon ang buong detalye ng kasunduan at magbigay ng briefing sa Kongreso.
“The American people deserve details and full transparency – what exactly is in this ‘understanding’?” ani Schumer.
Batay sa mga pahayag ng magkabilang panig, kabilang sa kasunduan ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz at pagpapalawig ng tigil-putukan sa loob ng 60 araw habang tinatalakay ang mga sensitibong usapin gaya ng nuclear program ng Iran.
Ayon sa mga opisyal ng US, nakatali ang mga benepisyong pang-ekonomiya para sa Iran sa pagsunod nito sa kahilingan ng Washington na huwag bumuo ng nuclear weapon. Samantala, sinabi ng Iran na kasama sa napagkasunduan ang pagluwag ng mga parusa, pagpapalaya sa mga nakapirming ari-arian, at pagbabayad-pinsala kaugnay ng digmaan.
Sa kabila ng kasunduan, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Lebanon. Isang Israeli drone strike ang naiulat sa timog Lebanon matapos ang anunsyo ng kasunduan, habang iginiit ng Israel na may karapatan itong tumugon sa anumang banta mula sa Hezbollah.
Malugod namang tinanggap ng Hezbollah ang kasunduan, habang sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na dapat magkaroon ng ganap na pagtigil sa mga pag-atake ng Israel sa Lebanon.
Samantala, bumaba ang presyo ng langis at tumaas ang mga stock market sa pag-asang matatapos na ang pagkaantala sa pandaigdigang suplay ng enerhiya dulot ng digmaan.
“Ships of the World, start your engines. Let the oil flow!” ani Trump sa isang post noong Linggo. Dave Baluyot