Nanatili bilang Senate President si Alan Peter Cayetano sa kabila ng umuugong na balitang muling magkakaroon ng palitan ng liderato sa Senado ngayong araw, Mayo 18.Kasalukuyang tumatayo bilang presiding judge si Cayetano sa isinasagawang pag-convene ng impeachment court sa Senado para sa paglilitis ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Nanawagan ang Bantay Senado, ang citizens’ monitoring network para sa Senate impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sa Senate Impeachment Court na buksan sa media at publiko ang pre-trial conference sa Hunyo 18.
Ayon sa grupo, ang transparency sa impeachment proceedings ay isang constitutional obligation, hindi lamang procedural option.
Nag-abiso ang Senate Impeachment Court sa mga partido na ang pre-trial conference sa Hunyo 18 ay “hindi bubuksan sa media o publiko,” at binanggit ang pangangailangang bigyan ang mga partido ng “pinakamalawak na kalayaan at latitude” sa pagdinig. Mariing hinihiling ng Bantay Senado na muling pag-isipan ito ng korte.
Ang pre-trial conference ang yugto kung saan itinatakda ang ground rules ng trial, pormal na minamarka ang ebidensya, at kinikilala ang mga saksi. Hindi ito mga simpleng administrative o ministerial na formalidad.
Naniniwala ang Bantay Senado na ito ay mga mahalagang desisyon na huhubog sa kabuuang karakter ng pagdinig. May karapatan ang sambayanang Pilipino na makita kung paano ginagawa ang mga desisyong ito.
“Ang impeachment trial ng isang nakaupong Bise Presidente ay hindi pribadong legal dispute lamang ng dalawang partido. Ito ay isang constitutional process na isinasagawa sa ngalan ng sambayanang Pilipino. Bawat yugto ng prosesong ito — kasama ang pre-trial — ay dapat isagawa nang transparent. Ang publiko ay hindi opsyonal na kalahok sa mga pagdinig,” sabi ni Prof. Cleve V. Arguelles, convenor at tagapagsalita ng Bantay Senado, sa isang press statement.
Ayon sa grupo, hindi kumakampi ang Bantay Senado sa merito ng kaso laban kay Vice President Duterte, at hindi rin kumakampi sa prosekusyon o depensa. Ngunit napapansin nito na may ilang miyembro ng prosekusyon na mas gusto ang bukas at publikong pre-trial conference. Buo ang suporta namin sa paninindigang ito.
Binigyang-diin din ng Bantay Senado ang mas malawak na democratic stakes ng desisyon sa pre-trial. Sa isang constitutional proceeding na ganito kalaki, ang public access ay hindi pribilehiyong maaaring ipagkaloob o ipagkait ng korte ayon sa kagustuhan nito. Ang public access ay kondisyon ng legitimacy ng buong impeachment trial.
“Ang impeachment trials at ang impormasyong inilalahad dito ay mga usaping may pampublikong interes. May karapatan ang publiko sa ganitong impormasyon dahil ito ay matters of public concern, at mas nagiging mahalaga ito dahil sa state policy of full public disclosure. Ang pagsasara nito sa publiko at media nang walang sapat na constitutional justification ay maaaring magdulot ng seryosong pagdududa sa commitment ng korte sa due process at open justice. Ang transparency sa pre-trial stage ay hindi salungat sa fair proceedings,” sabi ni Atty. Michael Tiu Jr., legal expert ng Bantay Senado at Assistant Professor ng University of the Philippines College of Law.
Itinataas ng Bantay Senado ang isyung ito bilang isang citizen-monitoring body na ang mandato ay tiyaking ang buong proseso, mula pre-trial hanggang verdict, ay isinasagawa nang bukas, patas, at alinsunod sa Saligang Batas.
Nanawagan din ang grupo sa Senate Impeachment Court na agad maglabas ng revised notice na bubuksan ang pre-trial conference sa Hunyo 18 sa media at publiko.