MANILA, Philippines – Naghain si Sen. JV Ejercito ng Senate Bill No. 2269 o “Student-Athletes Comprehensive Protection Act of 2026” na layong palakasin ang proteksyon ng mga student-athlete sa oras ng training at kompetisyon.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ng dalawang manlalaro ng men’s basketball ng Ateneo de Manila University na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa isang training-related activity sa Dipaculao, Aurora.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 10676 o Student-Athletes Protection Act at idagdag ang karapatan ng student-athletes at tungkulin ng mga paaralan at sports organizations sa mga training at laban.
Isa sa mahahalagang probisyon ng panukala ay ang pagbibigay ng:
“free or subsidized medical expense coverage from the participating schools or athletic associations he/she represented or is representing in any case of physical injury or sports-related harm suffered by him/her as a result of his/her participation in the athletic program or competition.”
Kasama rin sa panukala ang obligasyon ng mga institusyon na magpatupad ng safety at injury response protocols at magbigay ng ligtas na pasilidad, kagamitan, at training environment.
Samantala, naghain din si Sen. Bong Go ng kahalintulad na panukala para sa minimum safety standards sa sports activities at isang resolusyon para imbestigahan ang insidente ng pagkamatay ng dalawang atleta. RNT/MND